Default Thumbnail

Tanker bumangga sa kotse na sumalpak sa dump truck, 1 sugatan

May 10, 2024 Melnie Ragasa-limena 84 views

SUGATAN ang 34-anyos na businesswoman nang salpukin ng Isuzu tanker ang kaniyang sasakyan dahilan upang bumangga din ito sa nasa harapang dump truck sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga.

Nasugatan ang biktimang si Marie Shiela Socubos Gamuyod, 34, walang asawa, businesswoman, residente ng No. 46 A Fernando St Brgy. Marulas Valenzuela City, at driver ng Ford Territory na may plakang NGQ-97460.

Agad namang inaresto ang suspek na si Reynaldo Jandayan Nituda, 53, may asawa, ng B94 L46, Northville II B, Brgy 171 Bagumbong Caloocan City, at driver ng Isuzu Tanker (UAV-293).

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, bandang 10:30 ng umaga (May 10), nang maganap ang aksidente sa Mindanao Ave., sa harap ng Seaoil Gasoline Station Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/CMS Jayson Darriguez, ng Traffic Sector 6,

Sakay ng Isuzu Tanker ay binabaybay ni Nituda ang Mindanao Ave. galing Tandang Sora Avenue at patungo sa Congressional Avenue.

Pero pagsapit sa lugar ay bumangga ito sa likurang bahagi ng Ford Territory na pag-aari ni Gamuyod habang nakahinto sa Mindanao Ave., sa harap ng Seaoil Gasoline Station.

Dahil sa lakas ng impak, bumangga naman ang sasakyan ni Gamuyod sa Shacman Dump Truck (NEW-4924) na minamaneho naman ni Rickcy Maborang Vicente, 41-anyos.

Agad namang dinala ng rumespondeng ambulansya ng QCDRRMO sa Metro North Medical Center si Gamuyod na nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan.

Ang insidente ay nakunan sa CCTV camera na naka-install sa Seaoil Mindanao Branch.

Inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property with Physical Injury laban sa driver n Isuzu tanker.