Posas

Crime gang member tiklo sa mga parak-Caloocan

May 10, 2024 Edd Reyes 67 views

TIKLO sa entrapment ng pulisya ang isang miyembro ng Dacallos criminal gang ng pagbentahan ng armas ang pulis na nagpanggap na buyer noong Biyernes sa Caloocan City.

Pinosasan ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta si alyas Ryan, 41, ng Phase 8B, Package 1B, Lot Excess, Brgy. 176 Bagong Silang, Caloocan.

Nahuli ang suspek ng tanggapin ang P2,500 na markadong salapi sa isang miyembro ng Intelligence Section kapalit ng ibinenta niyang kalibre .38 revolver na may tatlong bala.

Ayon kay Col. Lacuesta, kumpirmado na miyembro ng Dacallos Criminal Gang ang suspek na sangkot sa gunrunning, panghoholdap at pagpapakalat ng ilegal na droga.

Ikinasa ang entrapment ng Intelligence Section, kasama ang mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station at Regional Intelligence Unit (RIU) ng National Capital Region (NCR) dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Phase 8B Balwarte sa Bagong Silang.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 32 ng RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office habang inaalam pa ang iba pang kasong kriminal na kanyang kinasasangkutan.

AUTHOR PROFILE