Default Thumbnail

Van umandar, 4 sugatan

March 5, 2024 Melnie Ragasa-limena 99 views

APAT ang sugatan nang umandar ang nakaparadang L-300 van at araruhin ang mga tindahan ng prutas sa Litex market sa Quezon City noong Lunes.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5, bandang 10:00 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa Commonwealth Ave., sa harap ng Litex Market, Brgy. Commonwealth.

Nakilala ang mga nasugatan na sina Ronela Rosales Zabala, 29, vendor, at magkakapatid na sina Mark Daniel Gatmaitan, 12; Jenella, 15, at ang 4-anyos na si Jamir.

Agad namang inaresto ang may-ari ng van na si Michael Aguilar Yu, 40, ng No. 115 Katuparan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCPL Jenmark A Betito ng Traffic Sector 5, ipinarada ni Yu ang Mitsubishi L300 (TLW-616) pero makalipas ang ilang sandali umandar ang L300 at inararo ang mga tindahan ng prutas at nahagip ang vendor at tatlong bata.

Agad na isinugod ang mga biktima ng Barangay Commonwealth Rescue Ambulance sa Rosario Maclang Bautista General Hospital para magamot.