Sembreak

‘Univerkada’ bibida sa nakakakilabot na adventure film

April 27, 2024 Ian F. Fariñas 127 views

Tayong mga Pinoy, naniniwala tayo sa kasabihan na minsan kapag pumupunta tayo sa ibang lugar, may mga dumidikit sa ’tin na hindi natin nakikita. Kaya nga lagi tayong pinagsasabihan ng mga kamag-anak natin ng “Mag-ingat ka, baka may sumama sa ’yo.”

Tunghayan ang kwento ng isang barkada at ang kanilang quick sem break trip na magbabago sa takbo ng mga buhay nila.

Kasunod ng tagumpay ng The Rain in España at Safe Skies, Archer, nagbabalik ang “Univerkada” na kinabibilangan nina Krissha Viaje, Jerome Ponce, Aubrey Caraan, Hyacinth Callado at Gab Lagman sa pinakabagong proyektong Sem Break, kasama si Keann Johnson bilang bagong kabarkada.

Ang six-part series na ito ay mula sa direksyon ni Roni Benaid, director ng hit 2023 horror movies na Mary Cherry Chua at Marita.

Susundan nito ang isang barkada sa kanilang trip papunta sa kanilang travel destination.

Si Krissha ay gaganap bilang si “Mich.” Lumaki siya sa pangangalaga ng kanyang Tita Belen dahil maagang pumanaw ang kanyang mga magulang.

Tahimik lang si Mich sa bahay, pero makulit sa mga kaibigan pagdating sa eskwela. May boyfriend na ito at payag naman si Tita Belen, basta prayoridad pa rin niya ang kanyang pag-aaral.

Si Jerome naman ay si “Arlo.” Galing sa mayamang pamilya. Introvert at mahilig sa swimming.

Konti lang ang taong komportable siyang makasama – ang girlfriend niyang si Mich, ang best friend niyang si Tim at ang barkada.

Si Keann ay si Timmy, isang artist. Happy-go-lucky. Magkasama sila ni Arlo sa condo. Lagi niyang inaasar ang best friend ni Mich na si Cora pero ang totoo ay may crush siya rito.

Si Aubrey naman ay si “Cora.” Naniniwala siya sa horoscope, feng shui, astrology at charms.

Dahil sa pagiging kikay, madalas silang magbangayan ni Tim. Tinutukso naman silang dalawa nina Mich at Arlo.

Si Hyacinth ay si “Jessie.” Siya ang pinakamaalaga at pinakaresponsable sa grupo.

Nagpa-part-time sa isang café na naging tambayan ng barkada, namana niya ang pagiging superstitious ng kanyang mga magulang.

Si Gab ay si “Pipo,” iskolar sa kanilang unibersidad. Caretaker ang kanyang mga magulang sa isang beach resort sa malayong probinsiya, at doon sila pupunta ng barkada.

Ito ang weekend getaway na mauuwi sa wicked getaway.

Sa kabila ng paalala sa kanila na hindi pwedeng puntahan ang lighthouse na malapit sa resort, pupunta pa rin doon sina Mich, Arlo, Cora at Tim para gawin ang 3 a.m. challenge.

Mawawala sila at magkakawalaan sa parang maze na structure ng lighthouse. Mabuti at ligtas silang makakalabas sa lighthouse. Pag-uusapan ng apat na hindi na ito malalaman ng mga kaibigan.

Pagbalik ng Maynila, hindi nila alam na hindi na lang sila ang sakay ng kanilang sasakyan.

Samahan ang Univerkada sa kanilang nakakakilabot na adventure sa Sem Break, palabas na sa Viva One simula May 10 at may fresh episode tuwing Biyernes.

AUTHOR PROFILE