Posas

SUV driver na nakapatay sa basketball player sa Cebu tiklo

May 9, 2024 Alfred P. Dalizon 48 views

NALAMBAT na ng mga pulis ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na tumakas matapos matumbok at mapatay ang basketball player sa Cebu City noong Pebrero 4.

Nahaharap sa kasong murder si Aaron Karl Tan, 28, ng Brgy. Guadalupe, Cebu City, ayon kay Police Regional Office 7 director Brigadier General Anthony Aberin.

Nahuli ang suspek ng mga tauhan ng Cebu City Police Office sa Sitio School Site sa Brgy. Guadalupe noong Lunes.

Sinabi ni Major Miles Damoslog, station commander ng Cebu City Police Station 9, na nahuli ang suspek bandang alas-2:15 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest for murder na ipinalabas ng korte.

Kinilala si Tan na driver ng gray SUV (YKK 161) na nakapatay kay Jeslar Larumbe malapit sa Redemptorist Church sa Brgy. Kamputhaw sa Cebu City noong Pebrero 4.

Nagmo-motorsiklo ang 23-anyos na basketball player ng biglang salpukin ng SUV bandang alas-7:00 ng umaga. Ayon sa mga saksi, hindi huminto ang driver ng SUV at tumakas matapos ang insidente.

May nakakabit pang blinkers ang SUV ng suspek, ayon sa mga pulis.

Sinampahan ng kasong murder ang suspek bunga ng mga testimonya ng mga saksi sa krimen at iba pang mga ebidensiya na nakalap ng Cebu City police.

Itinanggi ng akusado ang krimen at nasa loob daw siya ng bahay nang mangyari ang insidente pero inamin niya na may nakakabit na blinkers ang kanyang SUV dahil sa nagbebenta siya nito.

AUTHOR PROFILE