Elevator

Totoong pagkatao ni Paulo lumabas sa prank ni Ivana

April 27, 2024 Vinia Vivar 66 views

Pinagpipistahan ngayon sa YouTube ang prank na ginawa ni Ivana Alawi kay Paulo Avelino kung saan ay nakipag-away ang aktres/vlogger sa mga tindera ng damit.

Sa latest vlog ni Ivana ay guest si Paulo, bida ng Elevator, at ang challenge na ginawa nila ay mamili sa tiangge na ang budget limit ay P1,000.

Ang hindi alam ng aktor, ang pinaka-highlight ng vlog ay ang prank sa kanya.

Mapapanood sa video na walang ginawa si Ivana kundi tumawad nang tumawad sa damit na kanilang binibili.

Hanggang sa medyo naaasar na ang dalawang tindera na nagkuwaring mag-lola.

Makikita naman na namamagitan si Paulo tuwing medyo nagkakainitan na si Ivana at ang mag-lola na magagaling umarte, huh!

Hanggang sa dumating na sa climax na sinabunutan na si Ivana ng lola.

Siyempre, acting na acting din si Ivana para hindi mahalata ni Paulo na prank.

In fairness, dito nakita ang pagiging mabuting tao ng aktor. Panay ang sabi niya kay Ivana na huwag nang patulan ang lola dahil senior citizen na ito. Panay din ang sabi niya sa lola na relax lang dahil baka kung mapa’no ito.

Nang nagkakasabunutan na si Ivana at ang mag-lola ay talagang gumitna si Paulo sa dalawang kampo at super-awat siya.

Nang i-reveal na nga nila na “it’s a prank” ay dito na nahimasmasan si Paulo.

“Oh, my God,” ang paulit-ulit niyang sambit.

“In fairness, ha, naniwala ako,” sey pa ng aktor.

Tawa naman nang tawa si Ivana at ang gumanap na mag-lola.

AUTHOR PROFILE