Andrea

Andrea ayaw magpalamon sa social media

May 8, 2024 Vinia Vivar 86 views

Isa si Andrea Brillantes sa most-followed celebrities sa social media at halos lahat ng posts o videos niya ay parating viral. Kaya naman hindi maiiwasan na marami siyang bashers na bawat galaw niya ay talagang hinahanapan ng mali.

Good thing hindi nagpapaapekto ang aktres sa matitinding pangba-bash na nararanasan niya.

“Hindi po kasi ako nagpapakain sa social media. I’m really grounded naman sa real world,” paliwanag ni Blythe sa mediacon ng High Street.

Aminado siya na hindi rin naman ito madaling gawin dahil masakit din ang sinasabi ng ibang tao.

“I know it’s easier said than done. I think kapag natutunan mo lang ma-appreciate ‘yung life itself, na life is more than just social media, phone, comments and people na hindi mo naman kilala na nagku-comment sa life mo, kailangan lang, hindi ka into it masyado,

“Alam kong masakit siya and it’s easier said than done pero kailangan mo lang talagang hindi magpaapekto and ma-appreciate mo ‘yung life,” pahayag ng dalaga.

Isa pa ngang way para hindi maapektuhan ay huwag kang gumamit ng phone.

“There are so many ways. Tingnan mo lang kung gaano kaganda ‘yung mundong binigay sa atin, mundong ginawang ‘to.

“Social media kasi you can just easily turn off your phone, eh. Just read a book, meet your friend, reconnecting with nature, doing sa house, meeting your friends hindi lang through phone,” aniya.

Samantala, ang High Street ay sequel ng hit Gen Z drama series na Senior High na pinagbidahan ni Andrea bilang Sky at Luna.

Iikot na ang kwento limang taon makalipas ang Northford High graduation kung saan sasabak na sina Sky at ang kanyang mga kaibigan sa real world bilang mga adult.

Kaabang-abang din ang ito dahil bukod sa mga nagbabalik na karakter, kabilang na rin sa serye sina Dimples Romana, Romnick Sarmenta, Harvey Bautista, AC Bonifacio at Ralph de Leon.

Magsisimula ang kwento sa reunion ng Northford High students kung saan may kanya-kanya na silang mga buhay at abala na ngayon sa kanilang mga trabaho.

Sa kabila ng kanilang tila mapayapang pamumuhay, mayayanig muli ang kanilang mundo nang makidnap si Z (Daniela Stranner) ng isang ‘di kilalang grupo.

Dahil dito, maglalabasan ang mga masalimuot na sikreto ng mga tao at magiging tanging misyon nina Sky at ng kanyang mga kaibigan, kabilang na rin ang nanay ni Sky na si Tanya (Angel Aquino), ang malutas ang pagdukot kay Z.

Ang serye ay mula sa direksyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano. Magsisimula ito sa Mayo 13 (Lunes), 9:30 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

AUTHOR PROFILE