Firewall

Arkitekto durog buto sa gumuhong firewall

April 27, 2024 Edd Reyes 75 views

DUROG ang buto ang 44-anyos na arkitekto habang sugatan ang dalawa pang trabahador ng madaganan ng gumuhong firewall sa ginagawa nilang bahay noong Biyernes sa Makati City.

Dead-on-arrival sa Makati Medical Center si Arch. Adrian, ng Bacoor, Cavite, habang nagpapagaling pa ng sugat sa ulo si alyas Luis, 55, na isinugod sa Ospital ng Makati.

Tumanggi nang magpadala sa ospital ang isa pang biktima.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District Director P/BGen. Mark Pespes, nakaupo sa monobloc chair ang arkitekto malapit sa gumuhong firewall sa kanto ng Colmena at Trabajo Sts., Brgy. Olympia, nang lumakas ang hangin dakong alas-5:46 ng hapon kaya bumagsak ang pader at madaganan ang nasawi.

Nasapol din ng mga debris si Luis sa ulo ang isa pa na noon ay naghuhukay para sa pundasyon.

Ayon kay Pespes, ipinagiba na ng may-ari ang bahay na naitayo noon pang 1990 matapos masunog subalit naiwan pang nakatayo ang firewall.

May kaukulang permiso at mga dokumento sa barangay ang pagpapagiba at pagpapatayo sa bahay pero may mga nasisilip na violations ang Engineering Office ng Makati City Hall.

Kabilang sa violations ang kawalan ng safety helmet ng mga trabahador kaya’t posibleng papanagutin sa insidente ang contractor.

Ipinatigil na ng Makati ang pagpapatayo sa naturang bahay habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa naturang insidente.

AUTHOR PROFILE