Gonzales

UMIIWAS?

May 20, 2024 People's Tonight 84 views

Mga opisyal ni Duterte di pumunta sa imbestigasyon ng secret agreement

TATLONG matataas na opisyal ng Duterte administration ang hindi dumalo sa pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay ng lihim umanong kasunduan na pinasok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping, kung saan nilimitahan umano ang resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Ang mga inimbita ng House committee on national defense and security at ng Special committee on the West Philippine Sea (WPS) subalit hindi dumating ay sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon at dating Defense Chief Delfin Lorenzana.

Hindi naman inimbita sa pagdinig si Duterte.

Inatasan naman ni Iloilo Rep. Raul Tupas, vice chairperson ng defense committee na siyang namuno sa imbestigasyon, katuwang si special WPS panel chairman Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, ang komite na muling magpadala ng imbitasyon kina Medialdea, Esperon at Lorenzana.

Sinabi ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun, ang may-akda ng House Resolution No. 1684 na nagpatawag ng imbestigasyon, na mukhang iniiwasan ng mga dating opisyal ang imbestigasyon.

“Parang umiiwas sila. Lahat may excuse. Nagtataka ako kung ano ang dapat nilang iwasan. Huwag silang umiwas, kasi sovereignty and national territory ang pinag-uusapan dito,” sabi ni Khonghun.

Ayon kay Tupas, mayroong mga naunang lakad ang mga dating opisyal.

Iginiit naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang kahalagahan na mapaharap sa pagdinig sina Medialdea, Esperon at Lorenzana.

“They are the important actors in this investigation. We cannot get the answers we need from officials of the current administration, because they were not involved in the alleged secret agreement,” sabi pa nito.

Itinulak naman ni Rep. Romeo Acop ng Antipolo City na pagpaliwanagin ang mga inimbita na hindi dumalo sa pagdinig.

Hiniling naman ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list na imbitahan din sa pagdinig si Duterte.

Sinabi ni Gonzales na maraming espekulasyon kaugnay ng umano’y kasunduan na pinasok ni Duterte at ng China noong 2016.

“I myself have asserted that this alleged secret agreement is constitutionally void and non-binding. Ayungin Shoal is within our country’s exclusive economic zone (EEZ),” sabi pa nito.

Ang umano’y secret deal ang ginagamit ng China upang bigyang katwiran ang pagbomba ng tubig sa mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas sa WPS.

“Ayungin is part of our EEZ. We are just protecting what is clearly ours to protect,” wika pa nito.

Sa pagdinig, sinabi ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Department of Justice (DOJ), National Security Council (NSC) at Philippine Coast Guard (PCG) na hindi nila alam ang umano’y Duterte-Xi agreement.

Sa pagtatanong ni Rep. Rodge Gutierrez ng 1-Rider Party-list, sinabi ng kinatawan ng DOJ na maituturing na iligal ang Duterte-Xi deal kung ang nakasaad dito ay sususpendihin ang sovereign rights ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Nauna ng sinabi ni Duterte na nagkakaintindihan ito at ang China na pananatilihin ang status quo sa Ayungin: “Walang galawan, walang movement…there.”

Ikinabahala naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y sektretong kasunduan.

Sinabi ni Pangulong Marcos na wala itong natanggap na impormasyon mula sa Duterte administration kaugnay ng naturang kasunduan.

“We don’t know anything about it. There is no documentation, there is no record, there is no… we were not briefed when I came into office.

Wala man lang nagsabi sa amin na may ganoong usapan,” sabi pa nito.

AUTHOR PROFILE