Okubo Mainit na sinalubong si NCRPO chief P/MGen. Edgar Alan O. Okubo (kanan) kasama si MPD director Andre P. Dizon sa gitna ng arrival honors para sa Metro Manila police chief sa MPD Headquarters Ermita, Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

NCRPO chief Okubo bumisita sa MPD HQ

April 13, 2023 Jonjon Reyes 243 views

Okubo1BAGAMAT hindi kagandahan ang lagay panahon dulot ng bagyong “Amang,” naging mainit naman ang pagsalubong ng buong kapulisan ng Manila Police District (MPD) na pinangungunahan ni “The Game Changer General” Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Major Gen. Edgar Alan O. Okubo sa kanyang opisyal na pagbisita at paggawad ng “arrival honors” sa kanya sa MPD Headquarters Ermita, Maynila Huwebes ng umaga.

Sa isang maikling programa, nagpakita ng kahusayan ang bike patrol unit ng MPD sa demonstrasyon ng tamang pag-aresto sa isang suspek gamit ang bisikleta mula sa District Mobile Force Battallion (DMFB) ng naturang himpilan.

Kabilang rin ang paggawad ng parangal sa ilang kapulisan ng MPD na pinangunahan nina Okubo at Dizon para sa mga nakamit na tagumpay ng mga pulis-Maynila kabilang ang Team DSOU (District Special Operations Unit) at Barbosa Police Station (PS) 14.

Layunin ng pagbisita ng NCRPO chief na suriin at siguruhin ang kahandaan ng mga kapulisan sa Kalakhang Maynila sa maagap na pagresponde, pagpapairal ng kapayapaan, pakikipag-ugnayan sa mamamayan at barangay sa mga nasasakupang lugar.

Pinaalalahanan ni Okubo ang kapulisan ng MPD na sundin ang palatuntunin ng Philippine National Police (PNP) na gawin ng wasto ang kanilang trabaho, mahalin ang pamilya, serbisyo, at maging ang organisasyon sa gitna ng kinahaharap na mga kontrobersiya ng pambansang pulisya.

Dagdag ni Okubo, patuloy na paigtingin ang law enforcement operations tulad ng police visibility, mobile patrolling, at checkpoints maging ang pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs), force multipliers, at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa “peace and order.”

Nagbabala ang hepe ng NCRPO sa MPD station commanders na sakaling may sunod-sunod na tatlong insidente ng pamamaril sa kanilang nasasakupan at hindi maresolba kahit dalawa man sa ito, maaaring ilipat o i-relieve ang opisyal ng police station.

Sa kasalukuyan, ang MPD ay may kabuuang 3,500 policemen at policewomen na katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa seguridad, kaayusan, at kapayapaan.

AUTHOR PROFILE