Default Thumbnail

2nd booster jabs sa 18-anyos pataas, tigil muna – MPIO

April 13, 2023 Edd Reyes 180 views

MAYNILA – Pansamantala munang sinuspinde ng Manila Health Department (MHD) ang pagsisimula ng pagtuturok ng ikalawang booster ng bakuna laban sa COVID-19 sa mga may edad na 18 pataas sa Lungsod ng Maynila.

Ang pagsuspinde, ayon kay Manila Public Information Office (MPIO) chief Atty. Princess Abante, ay bunga ng inilabas na abiso ng Department of Health (DOH) na kailangan munang makapaglabas ng panuntunan kaugnay sa implementasyon ng 2nd booster shots sa general population na ang edad ay 18 pataas.

“DOH has informed us that guidelines for implementation has not been released yet. However, the City of Manila is ready to conduct the vaccination for the general population as soon as announced,” Atty. Abante said in her advisory.

Nauna ng naglabas ng abiso ang MPIO kaugnay sa pagsisimula ng pagbabakuna ng ikalawang booster na pamamahalaan ng MHD na pinamumunuan ni Dr. Arnold “Poks” Pangan bagama’t kaagad ding sinuspinde muna matapos makatanggap ng kalatas mula sa DOH.

Gayunman, sinabi ni Atty. Abante na handang-handa na Pamahalaang Lungsod ng Maynila na makapagkaloob ng 2nd booster shots sa mga may 18 taon ang edad pataas sa oras na mailabas na ng DOH ang mga panuntunan para sa implementasyon nito.

Sinabi ni Atty. Abante na nauna ng inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang lahat ng mga health centers sa lungsod na maging handa sa pagsisimula ng pagkakaloob ng ikalawang booster ng bakuna para sa COVID-19.

Nagpaalala rin ang MHD na kinakailangang makatipon muna ng anim na magpapabakuna bago simulan ang pagkakaloob ng 2nd booster shot upang hindi masayang ang isang vial ng Pfizer vaccine sa oras na binuksan ito.

AUTHOR PROFILE