Posas

Call center agent binantaan mga pulis, minalas

October 21, 2023 Edd Reyes 128 views

WAG kayong lalapit, mamalasin kayo!” Ito ang huling binitiwang pagbabanta ng 32-anyos na call center agent sa mga pulis na nagresponde sa ginagawa niyang pagwawala at paghahamon ng away habang armado ng patalim, Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District director PBGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Malabon police chief PCol. Jay Baybayan na nagsasagawa ng regular na pagpapatrulya kaugnay sa ipinaiiral na police visibility ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 sa C-4 Road nang mapuna nila ang nagaganap na komosyon sa C-4 Park sa Barangay Longos dakong alas-6:45 ng gabi.

Kaagad pinuntahan ng mga pulis ang parke at dito nila inabutan ang binatang call center agent na residente ng Gil Pascual Street, Bgy. Hulong Duhat, habang nagsisisigaw at hinahamon ng away ang lahat ng mga taong namamasyal sa lugar.

Kaagad nilapitan ng mga unipormadong pulis ang suspek at pilit na pinapayapa subalit sa halip na sumuko, binantaan pa ang mga awtoridad habang iwinawasiwas ang may walong pulgadang hawak na patalim.

Ilang minuto ring pinakiusapan ng mga pulis ang call center agent hanggang makakita ng pagkakataon sina PCpl. Michael Allanic at Pat. Angelito Subrio na dambahin ang suspek, at tuluyang makuha sa kanya ang hawak na patalim.

Ayon kay Baybayan, kasong alarm and scandal at ilegal na pagdadala ng patalim ang isasampa ni PSSg. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, laban sa suspek sa piskalya ng Malabon.

AUTHOR PROFILE