Default Thumbnail

BOC tuloy ang kampanya kontra ismagling ng sigarilyo

March 29, 2023 Vic Reyes 290 views

Vic ReyesKAHIT may kampanya ang gobyerno laban sa paninigarilyo, may mga nagtatangka pa ring magpuslit ng “illicit cigarettes” sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

Kagaya ng paninigarilyo, na “dangerous to your health,” ayon sa health authories, ay talaga yatang mahirap pigilin ang ismagling nito at iba pang kontrabando.

Kaya naman ang gobyerno, sa pamamagitan ng concerned offices and agencies, ay pursigidong habulin ang mga ismagler hindi lang sa Luzon kundi sa buong Pilipinas.

Matatandaan na isa sa unang marching orders ni Pangulong Marcos pag-upo niya sa Malakanyang ay ang paghabol sa mga ismagler na nagpapahirap sa ating ekonokiya.

Batid naman ng lahat na kapag hindi nahinto ang ismagling ay malaki ang epekto nito sa revenue collections ng Bureau of Customs .

Kaya nga lalo pang pinaigting ni BOC Commissioner Bienvenido Y.Rubio, isang Ilokano na taga-Ilocos Norte, kagaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Kamakailan nga ay nakasakote ang mga taga-Bureau of Customs-Port of Davao ng illicit cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit na P19 milyon sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Ang mga sigarilyo ay lulan ng isang banca – MV/Amiesha -na nasabat ng mga operatiba ng BOC -Port of Davao sa Gulf of Davao, ayon sa report na nakarating sa Manila.

Ang mga crew members ng MV/Amiesha ay nabigong magpakita ng mga legal documents para sa mga sigarilyo na kinumpiska ng mga operatiba ng BOC-Port of Davao.

Naglabas rin si District Collector Erastus Sandino Austria ng “warrant of seizure” and detention (WSD) laban sa mga sigarilyo dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10863.

Ang RA No. 10863 ay ang Customs Modernization and Tarrif Act of 2016, isa sa matinding armas ng gobyerno laban sa illegal na pagpaparating ng mga produkto sa bansa.

Pero sa tingin ng marami ay mas paboritong gamitin ng mga ismagler ang technical smuggling kaysa outright smuggling.

Sa totoo lang, mas magastos ang outright smuggling dahil nangangailangan ito ng maraming tao para maisagawa.

Kailangan pa nitong gumamit ng barko o motorboat.

Ang technical smuggling naman ay kausap lang ng importer o customs broker ang ilang taga-customs para mailusot ang isang kargamento na undervalued o misdeclared.

****

Napapailing at napapakamot na lang ng ulo ang ating mga kababayan kaugnay ng balitang baka magkaroon tayo ng water crisis ngayong tag-araw.

Hindi kasi nila maubos maisip kung bakit kukulangin tayo ng inuming tubig at “water to irrigate our farmlands and generate electricity,” eh napapalibutan tayo ng dagat.

Huwag natin kalimutan na ang Pilipinas ay isa sa mga tinatawag na “archipelagic nations” sa buong mundo. Ang ibig sabihin nito ay napapaligiran tayo ng bodies of water.

Sa tingin ng iba, kulang na kulang tayo ng pera at teknolohiya para ma-process natin ang sea water into drinking water.

Kailangan siguro nating pagtuunan ng pansin ang pagpapatayo ng malalaking ipunan ng tubig-ulan para sa pagdating ng tinatawag na summer months.

Sa totoo lang, sobra-sobra ang ulan na dala-dala ng mga bagyo pag panahon ng tag-ulan.

Sakit nga ng ulo ng mga nakatira sa mga mabababang lugar, kasama na ang Metro Manila at mga karatig-probinsiya, kapag may papalapit na bagyo sa bansa.

Madalas kasi ay may dala-dala itong malalakas na ulan na nagpapabaha sa maraming lugar.

Maraming parte nga ng Metro Manila at karatig pook ang mistulang nagiging mga “malalaking swimming pool” pagkatapos ng isang malakas na ulan.

Nawala na kasi ang maraming daluyan ng tubig, kagaya ng sapa at ilog, sa lugar dahil tibubanan na ang mga ito ng lupa at ginawang residential areas.

Naging “cemented jungles” ang Metro Manila. Matagal bago mawala ang tubig sa mga kalye at kabahayan dahil sementado na ang maraming parte ng metropolis.

Ang resulta? Marami na ang lumilipat sa mga karatig pook na kung saan hindi problema ang pagbabaha kahit panahon ng rainy season.

Nakalulungkot naman!

(Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/ email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE