Default Thumbnail

Droga naipapasok pa rin sa loob ng ilang detention facility ng BJMP

March 29, 2023 Edd Reyes 236 views

Edd ReyesHINDI lang sa National Bilibid Prison (NBP) nangyayari ang pagpasok ng ilegal na kontrabando tulad ng shabu kundi maging sa mga detention facilities na nasa ilalim ng pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Nito nga lang Lunes ng gabi, nahuli ang isang person deprived of liberty (PDL) na may kasong may kaugnayan sa droga sa sa Caloocan City Jail (CCJ) dahil sa pag-iingat ng mahigit apat na gramo ng shabu.

Ang tanong ng marami, paano nakapasok sa loob ng pasilidad ang ilegal na droga gayung napakahigpit ng ginagawang pagbabantay ng mga jail officers sa entrance pa lang ng anumang pasilidad ng BJMP?

Kung sabagay, hindi lang naman sa CCJ nangyayari ang pagpasok ng kontrabando kundi sa iba pang pasilidad ng nasa ilalim ng BJMP at patunay dito ang madalas na pagkakakumpiska sa ilegal na droga at paraphernalia sa tuwing magsasagawa ang pamunuan ng Operation Greyhound na dahilan ng pagkakasibak sa nakaupong Jail Warden.

Dapat siguro, dalas-dalasan ng pamunuan ng BJMP ang pagsasagawa ng seryoso at tunay na sorpresang Oplan Greyhound sa kanilang pasilidas sa Metro Manila para magka-alaman kung sino-sino sa mga nakaupong Warden ang naglilingkod ng tapat o nagpapabaya sa tungkulin.

Rep. Toby at Mayor John Rey Tiangco, nasungkit ang mataas na approval rating

MALAKI na ang ini-angat ng ekonomiya at kabuhayan sa Lungsod ng Navotas kaya’t hindi nakapagtatakang umani ng suporta mula sa mamamayan ang mga nakaupong pinuno na silang lumilikha ng mga programa at proyektong kapakipakinabang sa mamamayan.

Kaya nga kahit maliit lang ang Lungsod ng Navotas, kumpara sa mayayaman at malalaking lungsod sa Metro Manila, nakuha pa rin ng magkapatid na District Representative Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ang mataas na job approval rating kumpara sa ibang mga alkalde at kongresista sa iba pang lungsod sa Kamaynilaan.

Nakapagtala kasi ng pinakamataas na 93% rating si Cong. Toby sa survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. kaya’t ganun na lang ang kanyang pasasalamat sa tiwala at suporta ng mamamayan na aniya ay magsisilbing inspirasyon upang pagbutihin pang lalu ang mga serbisyong handog ng kanyang tanggapan.

Nagpasalamat din sa mga Navoteño si Mayor John Rey Tiangco matapos pumangalawa naman sa may pinakamataas na work performance rating na 91% mula rin sa naturang grupo.

Sabi ni Mayor Tiangco, kaya nila nakukuha ang mataas na marka ay dahil na rin sa tiwala at suporta ng kanilang mga kababayan na pangunahing nakikinabang sa kanilang mga program at proyekto.

Pinasalamatan din ng alkalde ang mga pampublikong naglilingkod sa iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan at nangako na lalu pa nilang pagbubutihin ang pagta-trabaho at paglilingkot upang patuloy na maitaas aniya ang antas ng serbisyong “Asikasong All the Way” sa lungsod.

Paalala sa Gcash users

Huwag na huwag kayong sasagot sa tawag ng sinuman na wala sa inyong phone book dahil posibleng ma-hack ang inyong Gcash at masimot ang lahat ng laman nito.

Ganito ang masaklap na nangyari sa isa naming kasamahan sa hanapbuhay na sumagot sa tawag dahil inakala niyang delivery ito pero nang tanungin kung siya ang nakapangalan sa kanyang Gcash, binale-wala na lang daw niya ito at makaraan lang ang ilang oras, natuklasan na niya na simot na ang laman ng kanyang mobile wallet.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE