Default Thumbnail

‘A-tapang a-tao’ bumagsak sa preso

April 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 199 views

SA selda bumagsak ang pagmamatapang ng 32-anyos na lalaking nanggulo at naghamon ng away sa kanyang mga ka-barangay habang may nakasukbit na baril sa baywang Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Buong tapang pang pinalagan ng suspek na si Real Parohinog, walang trabaho, at residente ng 137 Flovie Homes, Letre, Brgy. Tonsuya ang mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5, matapos siyang tangkaing awatin at payapain sa ginagawang paghahamon ng away dakong ala-1 ng madaling araw sa A. Roque St. sa naturan ding barangay.

Dahil sa patuloy na panggugulo at pagsigaw ng paghahamon na labis na nakakagambala sa katahimikan ng mga natutulog ng mga naninirahan sa lugar, puwersahan na siyang inaresto nina P/Cpl. Jerome Aquino at Pat. Ruel Discalsote.

Nang kapkapan, nakumpiska ng mga pulis kay Parohinog ang isang improvised hand gun o sumpak na may kargang isang bala na nakasukbit sa kanyang baywang.

Iniutos na ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro kina P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Rocky Pagindas na sampahan ng mga kasong alarm and scandal paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek sa piskalya ng Malabon City.