Default Thumbnail

Babae, 19, dedo sa riot sa Kyusi

April 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 210 views

PATAY ang isang 19-anyos na babae matapos barilin sa gitna ng riot sa pagitan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa Barangay Payatas, Quezon City nitong Sabado.

Idineklarang dead on arrival ang biktimang si Angela Victo, sa East Avenue Medical Center matapos magtamo ng tama ng baril sa katawan.

Pinaghahanap ng pulisya ang tinuturong 18-anyos na suspek at residente ng Barangay Payatas B, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente bandang 2:30 a.m. April 15, 2023 sa Bicol Street, Barangay Payatas B, Quezon City.

Lumalabas na imbestigasyon na bago umano ang pangyayari ay lumabas ng bahay ang biktima kasama ang dalawang kaibigan upang alamin kung kasama ba sa riot ng dalawang grupo ang kapatid ng isa niyang kaibigan.

Naaktuhan umano ng biktima at kaniyang mga kaibigan ang kaguluhan kung saan dalawang grupo ang nagbabatuhan at ilan sa kanila ay armado ng sumpak. Sa gitna ng riot ay lumapit umano ang suspek kay Angela at pinutok ang dalang sumpak sa katawan ng biktima. agad tumakas ang suspek.

Dinala ang biktima sa nasabing ospital ngunit binawian ito ng buhay.