Chinese

4 Chinese nationals timbog sa Palawan

April 1, 2024 Jun I. Legaspi 106 views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaresto sa apat na Chinese nationals na hinihinalang nasa likod ng pagpapakalat ng mga kahina-hinalang mga government-issued identification cards at mga dokumento, sa Palawan.

Kinilala ni BI intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang apat na sina Wang Tao, Li Xiaoming, Guo Zhi Yang at Lyu Zhiyang, na nadakip sa Brgy. San Pedro sa Palawan City.

Sinasabibg mastermind si Lyu, na kilala sa alyas na Ken Garcia Lee, ng operasyon at tinaguriang mafia leader sa Palawan.

Sinasabing pinamumunuan ni Lee ang isang lokal na sindikato na nagpoproseso ng illegally-obtained government-issued documents sa mga undesirable aliens at trafficking victims.

“The arresting team of the operation have been working on the case for several months and have kept close coordination with intelligence forces and law enforcement agents to ensure the smooth arrest of the subjects,” saad ni Manahan.

Pinuri ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kanilang mga operatiba sa pagkakaaresto anya sa ikinukunsiderang big fish.

Matatandaang noong Marso, nabahala si Representative Robert “Ace” Barbers sa dumadaming naarestong dayuhan na may mga Philippine documents.

Iniulat din ng BI noong isang taon na nasa 10 mga kaso na ng mga pekeng Pilipino na nagpakita ng authentic Philippine documents ang kanilang naitala.

Muli namang nanawagan si Tansingco sa mga lokal na pamahalaan na agad ipagbigay alam sa kanila kung may mga dayuhang nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa kanilang lugar.

AUTHOR PROFILE