Francisco Nagbigay ng mensahe si P/Brig. Gen. Leo ‘Paco’ Francisco, PRO 6 director, sa pagkilala sa mga mamamayan ng Iloilo sa kanilang pagtulong sa kapulisan sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga wanted na suspek sa rehiyon. Kuha ni Jon-jon Reyes

2 MWPs sa W. Visayas tiklo sa ‘rape’

February 6, 2023 Jonjon Reyes 276 views

NATUNTON ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang tinaguriang regional “most wanted persons” (MWPs) sa magkahiwalay na lugar sa Cabuyao sa Laguna at sa Iloilo City, iniulat ng pulisya.

Unang inaresto na MWP sa Western Visayas, dahil sa kasong panggagahasa umano sa isang 16-anyos na dalagita noong Mayo 18, 2020.

Sa isang follow-up operation ng mga tauhan ni Police Brigadier Gen. Leo “Paco” Francisco, Police Regional Office (PRO) 6 director, inaresto ang isang 62-anyos na diumano’y dating sundalo ng Armed Forces of the Philipines (AFP) sa Potatan, Iloilo.

Ang suspek na dating sundalo ay nagpalipat-lipat muna ng tirahan sa Kalakhang Maynila para magtago sa batas hanggang mahulog sa mga kamay ng pulis sa Cabuyao, Laguna, Pebrero 2, 2023.

Ikinasa sa suspek ang arrest warrant na inisyu ni Executive Judge Vicente Villa Go, Regional Trial Court (RTC) Branch 68 ng Dumangas, Iloilo na may petsang Hulyo 20, 2022 na may hatol na four counts of rape.

Nabingwit din ng mga tauhan ni Francisco ang isa pang MWP sa Western Visayas sa tulong ng impormante at arrest warrant na inisyu ni Judge Jose Mauricio Gomez ng RTC 6 Br. 71, Barotac Viejo, Iloilo City, Marso 21, 2021 sa kasong rape.

Pinangunahan ni P/Col. Noel Bong Aliño ang pag-aresto sa 28-anyos na suspek sa Bgy. Bolilao, Mandurriao, Iloilo City.

Ang pagkakahuli sa suspek ay dulot ng “Coplan Hinablos” ng PRO 6 at walang inirekomendang piyansa ang korte sa dalawang MWPs sa nasabing rehiyon.

Ayon kay Francisco, “Ito ay patunay sa pangako naming kapulisan na panatilihing ligtas ang ating komunidad” at nagpasalamat sa kooperasyon ng publiko sa pagbibigay ng impormasyon sa mga wanted na suspek.

AUTHOR PROFILE