Default Thumbnail

Bgy workers sa Maynila may accident insurance na

February 6, 2023 People's Tonight 249 views

INIHAYAG kahapon ng tagapangasiwa ng Manila Barangay Bureau Acting Director Diosdado “Boroboy” Santiago na epektibo na noon pang Disyembre 5, 2022 ang accident insurance ng mga manggagawa sa barangay.

Sa kanyang pagsasalita bilang naging punong-abala sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan, sinabi ni Director Boroboy Santiago na hanggang Disyembre 5 ng kasalukuyang taon tatagal ang accident insurance ng may 28,627 barangay workers sa Lungsod ng Maynila.

Sa ilalim aniya ng patakaran sa seguro, makakatanggap ng P275,000 ang sinumang barangay worker na namatay sa aksidente habang may ilalaang P25,700 namang panggastos kung sakali at naratay sa ospital sa nangyaring aksidente habang gumaganap ng tungkulin.

“Kung ikaw naman ay namatay, mayroon kang bereavement assistance na P10,000 na matatanggap,” pahayag pa ni Santiago.

Ipinaliwanag niya na ang pondo na nagkakahalaga ng kabuuang P7.5 milyon ay nagmula sa Government Service Insurance System (GSIS) na nangyari sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto.

Sinamantala rin ni Santiago ang pagkakataon upang hilingin sa mga konsehal na dumalo rin sa pagpupugay sa watawat na magpasa ng ordinansa na maging pangmatagalan na ang benepisyo sa seguro ng mga barangay workers at madagdagan pa ito ng health at life insurance.

Sa kanya namang naging pagtugon, sinabi ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, sa kanyang paghalili kay Mayor Honey Lacuna sa pagpupugay sa watawat na pag-aaralan nila ang naturang kahilingan.

“Yung sinabi ninyo po, pag-aaralan po namin ng ating mga kasama sa lingkod bayan ng Konseho ng Maynila. Masisipag naman po ang mga iyan, hindi po umuuwi ang mga iyan hangga’t hindi nila natatapos ang mga ordinansa, resolusyon at mga pangangailangan ng ating siyudad,” pahayag ng bise alkalde.

AUTHOR PROFILE