Default Thumbnail

Miyembro ng SWAT ninakawan sa Navotas

February 6, 2023 Edd Reyes 216 views

TINANGAY ng mga hindi pa kilalang mga kawatan ang service firearm ng isang aktibong pulis, pati na ang kanyang salapi at cellphone sa loob ng kanyang bahay sa Navotas City.

Dakong alas-4 lamang ng madaling araw nang matuklasan ng 45-anyos na police staff sergeant, nakatalaga sa Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Navotas Police Station ang nangyaring panloloob sa kanyang tirahan sa kanto ng Pat Buntan at Judge Roldan Streets, Barangay San Roque matapos siyang magising para umihi.

Pababa pa lamang sa hagdan mula sa ikalawang palapag ng kanyang tirahan patungo sa banyo ang pulis nang mapuna na niyang naka-awang ang kanilang pintuan kaya’t binuksan niya ang ilaw at dito niya natuklasan na puwersahang sinira umano ang kandado ng pintuan.

Nang suriin niya ang loob ng bahay sa unang palapag, nakita niya na winasak din ang cabinet na pinaglalagyan niya ng kanyang kalibre .9mm Beretta na service firearm na wala na sa loob, pati na ang P30,000 cash at J2 mobile phone na may halagang P6,000.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa pangunguna ni P/SSgt. Karl Benzon Dela Cruz upang tukuyin ang pagkakakilanlan sa mga suspek sa pamamagitan ng paghahanap ng nakakabit na CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar na posibleng makatulong sa pagtukoy sa mga kawatan.

AUTHOR PROFILE