Maute Si Ominta Romato Maute makaraang maaresto ng militar. Larawan mula sa PRO-BAR

Ina ng terorista kulong ‘habambuhay’

May 17, 2024 Edd Reyes 141 views

HINATULANG “guilty” ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) ang ina ng magkakapatid na miyembro ng teroristang grupong Maute na kabilang sa mga umatake at kumubkob sa Marawi City noong Mayo ng taong 2017.

Sa 39 na pahinang desisyon ni Taguig RTC Presiding Judge Marivic C. Cudilla-Victor ng Branch 266, pinatawan ng mula 17 taon, apat na buwan at isang araw na pagkabilanggo hanggang 40 taon o reclusion perpetua si Ominta Romato Maute, kilala rin sa bansag na “Farhana,” at pagbabayad ng multang P500,000, makaraang mapatunayan na nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa paglabag sa Section 4 ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

Batay sa rekord ng korte, ipinagamit ni Ominta ang kanyang Toyota Innova na sasakyan sa limang miyembro ng teroristang grupo na kinabibilangan ng kanyang mga anak na sina Mohammad Khayam Romato Maute, Omarkhayam Romato Maute, Abdullah Romato Maute, Mahater Romato Maute at isang Najib Pundug noong Hulyo 29, 2016, nang magsagawa ang mga ito ng pagdukot at pagpugot ng ulo sa mga sibilyan sa Lanao del Sur mula Abril 4 hanggang 10, 2016.

“Evidently, the Toyota Innova was made available to be used to carry out or facilitate the commission of a terrorist attack committed by a terrorist organization, in this case, the Maute Terrorist Group and/or ISIS Ranao,” nakasaad pa sa desisyon ng hukuman.

Nasabat ng puwersa ng pamahalaan ang naturang sasakyan noon ding Abril 10 at nakuha rito ang mga improvised explosive device (IED) matapos makatakas ang mga sakay nito.

Nadakip ng puwersa ng militar si Ominta noong Hunyo 16, 2017, sa bayan ng Masiu, na 34 kilometro ang layo sa Marawi City sa Lanao del Sur, habang tinatangkang itakas ang dalawang sugatang terorista.

Nadakip naman ang dalawa niyang anak na sina Omarkhayam at Abdullah sa kasagsagan ng Marawi siege, habang napatay naman ng puwersa ng pamahalaan ang iba pang kapatid ng dalawa noon ding taong 2017.

Kabilang din sa naging kautusan ng hukuman ang pagkumpiska ng pamahalaan sa Toyota Innova habang iniutos din ang pagwasak sa mga nakumpiskang IED at iba pang mga uri o sangkap na pampasabog na nakumpiska sa loob ng sasakyan.

Inatasan din ng korte ang mga otoridad na mag-ulat sa hukuman kung nasunod na nila ang mga inilabas na kautusan.

AUTHOR PROFILE