NDRRMC

16,888 tao apektado ni Egay

July 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 287 views

AABOT sa 4,554 pamilya o 16,888 tao ang naapektuhan ng pananalasa ng super typhoon Egay at hanging habagat sa 28 barangays sa Ilocos, Calabarzon, Bicol, Western Visayas at Northern Mindanao.

Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.

Sa nasabing bilang, 38 katao o 16 na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa tatlong evacuation centers habang 62 katao o 12 pamilya ang nasa labas ng evacuation centers.

Isang din ang naiulat na nasugatan sa Western Visayas.

Nakapagtala din ang NDRRMC ng walong landslides, limang soil erosion at apat na pagbaha.

Nawalan din ng kuryente ang ilang lugar sa Bicol at nagkaproblema sa supply ng tubig. Anim na domestic flights sa Ilocos, Bicol at Metro Manila ang nakansela.

Nasa 70 seaports din ang nagsuspinde ng operasyon sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.

Sa ngayon, nasa 4,743 pasahero, 644 rolling cargoes at 22 vessels ang stranded habang walong bahay ang napinsala dahil sa bagyo.

Nasa P1.5 milyon halaga ng imprastraktura ang napinsala sa Western Visayas.