TODA

Dimacuha sa TODA: Maging disiplinado, responsable sa kalye

May 1, 2024 Jojo C. Magsombol 63 views

BATANGAS CITY — Hiniling ni Mayor Beverley Dimacuha (nakabilog) sa mga myembro ng Tricycle Operators & Drivers Association (TODA) na maging disiplinado at responsable sa lahat ng oras.

Ito ang naging pahayag ng mayora sa ginanap na pagpupulong noong Martes.

Isinagawa ang distribusyon ng bagong prangkisa para sa ikalawang batch na binubuo ng 593 tricycle drivers at operators mula sa 23 TODA sa lungsod nitong April 30.

Payo ni mayora sa mga miyembro ng TODA na palagiang sumunod sa mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at ugaliin ang pagkakaroon ng good personal hygiene upang tumaas ang tingin sa mga tricycle drivers.

Nagpaalala naman si TDRO Chief Edilberto Perez na bukod sa pagbabayad ng multa sa pagsuway sa mga alituntunin na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod, magkakaroon din aniya ang mga ito ng record sa Land Transportation Office (LTO).

Ipinabatid din niya na may mga TDRO deputized barangay traffic enforcers na syang magbibigay ng babala sa mga motorista at mag-iisyu ng citation tickets sa mga lumalabag sa mga batas-trapiko.

Nagpaabot ng pasasalamat ang mga tricycle drivers sa pamamagitan ng pangulo ng Bridge TODA na si Ronnel Santos.

Dumalo din sa nabanggit na pamamahagi sina Vice Mayor Alyssa Cruz, mga myembro ng Team EBD at ilang Barangay Chairpersons na nakakasakop sa ruta ng mga TODA.

Ang naturang gawain ay pinangasiwaan ng mga kawani ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO).

AUTHOR PROFILE