Edd Reyes

Vapedemic, panahon ng tuldukan para sa kaligtasan ng mga kabataan

May 1, 2024 Edd Reyes 103 views

MARAMI ang nagtatanong kung wala na raw bang bisa ang naging kautusan ng nakaraang administrasyon na nagbabawal sa paggamit at paglanghap ng e-cigarette o vape sa pampublikong lugar dahil kahit saan ka magtungong lugar, makaka-amoy ka ng mabangong usok mula sa iba’t-ibang uri ng sangkap ng e-cigar.

Ang masaklap pa, kahit wala sa hustong edad ay makakakita ka ng gumagamit ng vape na malinaw na nagtagumpay ang mga manufacturer ng e-cigarette sa pagpapakalat na hindi ito panganib sa kalusugan, kumpara sa paghitit ng tobacco kaya tinagurian na ito ngayong “vapedemic”.

Dapat na sigurong kalampagin ang ahensiya ng pamahalaan na may responsibilidad sa pagkakaloob ng regulasyon dahil bukod sa pabata ng pabata ang nahuhumaling dito, kung ano-ano ng mga flavor na nakaka-enganyo sa mga kabataan ang nasa merkado kahit malinaw ang pagbabawal dito ng Department of Trade and Industry (DTI).

Swak na swak ito sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon na susuri kung wasto ba ang hakbang ng mga ahensiyang nangangasiwa sa regulasyon nito lalu na’t nito lang Pebrero ay tumanggap na naman ang Pilipinas ng Dirty Ashtray Award.

Mukha yatang tama ang paninindigan ni Sen. Pia Cayetano na kapag tobacco ang pag-uusapan, hindi dapat ipatupad ang balanseng diskarte dahil mas nararapat sigurong bigyang prayoridad ang kalusugan ng mamamayan, lalu ng kabataan, kumpara sa industriya ng tobacco.

Noon kasing tanungin sa pagdinig ang kahandaan ng DTI kung kaya nilang gampanan ang pag-regulate sa mga produkto ng tobacco, inamin nilang kailangan ng karagdagang budget para pambili ng mga kagamitan pero pinayagan na nila kaagad ang pagbebenta ng vape basta’t pasok daw sa itinakda lamang na uri nito.

Kaya kahit kabi-kabila ang pagsalakay ng DTI sa mga vape shop na nagbebenta nito na may sangkap o flavor na ipinagbabawal, tuloy pa rin ang palihim na pagkalat nito sa merkado. Dapat sigurong kilalanin ng ahensiya ng pamahalaan ang kanilang pananagutan at tuparin ang sinumpaang tungkulin upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan, lalu ng mga kabataan.

Maagang pasok ng mga kawani ng Navotas City, pinagtibay

SIMULA ngayong Huwebes, magsisimula na ng alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ang pasok ng mga kawani ng Navotas City Hall.

Naglabas kasi ng kautusan si Mayor John Rey Tiangco na nakabatay sa resolusyon ng Metropolitan Manila Council na naglalayong mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Bukod dito, sinabi ng alkalde na mabibigyan din ang mga kawani ng sapat na oras para sa kanilang pamilya bagama’t hindi naman kasama rito ang mga kawani na ang tungkulin ay pag-aayos ng daloy ng trapiko, pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, at ang mga rumeresponde sa anumang uri ng kapahamakan.

Maging ang mga public health centers sa lungsod ay maaga na ring magsisimula ng tungkulin, maliban lang sa health center sa Brgy. Tanza 2 at sa Navotas City Hospital,

Makabata Helpline 1383 binuksan sa Navotas

WALA ng puwang ang pang-aabuso at karahasan sa mga kabataan sa Navotas City dahil may programa ng Makabata Helpline ang lungsod na puwedeng pagsumbungan at hingan ng tulong.

Lumagda kasi si Mayor John Rey Tiangco ng kasunduan sa Council for the Welfare of Children (CWC) para sa implementasyon ng Makabata Helpline 1383 na karagdagang hotline service sa lungsod na matatawagan ng publiko para hingan ng tulong.

Sabi ni Mayor Tiangco, kayamanan sa lungsod ang bilang ng mga kabataan kaya hinimok niya ang publiko, lalu na mga kabataan, na isumbong sa bagong hotline kapag may nangyayaring pang-aabuso o anumang uri ng karahasan sa mga kabataan.upang mabilis na maaksiyunan.

Kasama ng alkalde sa simpleng seremonya sina Atty. Karen Gina Dupra, and hepe ng CWC Project Management Office at Jennifer Serrano ng City Social Welfare and Development Officer.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE