Allan

“Wala kayo sa lolo ko!”

May 1, 2024 Allan L. Encarnacion 81 views

NGAYON na lang natin naisip na iyong mga bata pala noong dekada 70 at 80 na katulad namin ay parang mga bato sa tibay ng katawan.

Umulan at umaraw, wala kaming natandaang kinakansela ang klase dahil sa baha or tindi ng sikat ng araw. Katunayan, iyong katirikan ng araw pa kami nagtatanim ng mga gulay sa likod ng aming mga paaralan at kapag umuulan, tsaka kami naglilinis ng mga alulod ng bahay at kanal sa aming bakuran.

May mga pagkakataon pa nga na ang P.E. namin ay sa gitna ng quadrangle ng paaralan kung saan nakalatag ang matinding sikat ng araw.

Ang sinasabi ng iba, dulot ito ng climate change kaya nag-iba na rin ang panahon. Huwag daw namin ikumpara ang panahon noon sa panahon nila ngayon. Bakit, mas lumapit ba ang araw sa mundo matapos ang tatlo hanggang apat na dekada? Or mas dumami ba ang ulan ngayon kumpara sa dekada 70?

Hindi kaya masyado nating bine-baby ang mga sumunod na henerasyon kaya nawala na sila sa mga liga ng “mga batang may laban?”

Nasira na ang kalendaryo ng ating edukasyon dulot nga ng una: binago ang school calendar, pangalawa, sangkatutak na kanselasyon ng klase dahil sa init at pangatlo, dahil sa sinasabing madalas na pagbabaha kapag umuulan.

Kung may mga time capsule lang na magbabalik sa aming kabataan noon, gusto nating ipakita sa mga kabataan ngayon kung anong klaseng kapalagiran mayroon tayo. Hindi natin makalimutan ang paglangoy or paglusong sa mga baha noong mga panahong nasa elemetarya kami.

Ang aming mga dalang libro na hiniram sa library, pati na ang aming mga bag ay ibinabalot lamang namin sa plastic kapag bumunuhos ang ulan. Masayang-masaya kaming lumulusong sa baha dahil naglalaro pa kami ng karera ng tsinelas sa aming pag-uwi.

Kapag dumating na sa aming mga tahanan, kanya-kanyang hagis na ng gamit sabay maghuhubad ng damit at maglalaro sa ulan. Iyong mga malalakas na buhos ng tubig mula sa alulod, nagpapabatok pa nga kami madalas!

At kapag matinding sikat ng araw naman ang umatake, bago pa makauwi ng bahay, nagpapaligsahan pa sa pagpitas ng mga bayabas, caimito o mangga sa aming mga madadaanan.

Kinabukasan, balik sa normal, dating gawi, papasok na naman sa aming mga paaralan, ganoong routine na naman, tinginan nang may ngiti kapag nagsimula nang pumatak ang ulan sa bubungan ng aming mga silid-aralan.

Happy na naman kaming maghabulan sa ulan or magpayabangan tindi ng sikat ng araw.

Ewan ko kung uso sa amin ang lagnat noon dahil naulanan or dahil nabilad sa araw.

Kaya talagang puwede kaming ipagmalaki ng aming mg apo ngayon: wala kayo sa lolo namin noon, parang halimaw sa tibay ng katawan!

[email protected]