Default Thumbnail

Vault ni opisyal, binaha!

September 25, 2021 Allan L. Encarnacion 352 views

Allan EncarnacionDALAWANG linggo na, namamalantsa pa ng pera ang mga tauhan ni Boss!

Usapan ito sa isang umpukan sa Central Luzon habang kami’y nagkakape kasabay ng bagong lutong longganisa, tinapa at pritong itlog.

Ang tinutukoy sa huntahan ay ang isang pulitiko na inabot ng baha ang kanilang bahay.

Malaking populasyon ng kanilang lugar ang dumanas ng matinding baha habang siya’y incumbent. Ito palang si opisyal ay hindi nagdedeposito sa bangko dahil natatakot matunton ng Anti-Money Laundering Council.

Kaya ang naging istilo ni pulitiko, nagpagawa ng sariling vault sa loob ng bahay na puwedeng maging dance floor ng mga katulad naming “coolcut” or kulang sa sukat.

Si pulitiko ay kilalang masiba sa pondo ng gobyerno dahil lahat na lang ay pinagkakakitaan. Mula sa office supplies sa kanyang opisina, hanggang sa mga malalaking proyekto sa kanyang probinsiya.

Katunayan, 30% ang birahan ng komisyon sa lahat ng proyekto kaya nag-iiyakan ang mga kontraktor. Basta ang kondisyon sa mga winning bidders, money down muna bago ang kontrata. Kailangang ibigay na kay opisyal ang kanyang 30% commission bago ang awarding ng kontrata.

Ibig sabihin, sa tagal na naging incumbent ni pulitiko, bultu-bultong pera na ang naipasok nito sa kanyang residential vault.

Ang problema, biglang binaha ang kanilang lugar, sa ibang bayan, abot hanggang bubong ang tubig-baha pero sa iba, hanggang kalahati lang ng bahay. Ang siste, inabot ang loob ng mansion ni opisyal kaya pumasok sa vault ang tubig-baha.

Nang matapos ang unos, wala namang inanod na pera sa baha dahil selyado ang vault. Kaya lang, nabasa ang mga nakasalansan na pera ni opisyal kaya nang humupa ang tubig-baha, pinahakot ni opisyal ang kahon-kahon na pera at inutusan ang mga driver, cook and housemaid na plantsahin ang tig-iisang libo para matuyo!

Doon sa tsismosong driver nagmula ang kuwento na nagpalipat-lipat kung saan-saan na parang virus sa lalawigan.

Sabi ng driver, dalawang linggo silang may special duty, parang mga naka-quarantine at lockdown na hindi makalabas ng bahay ng kanilang boss dahil nagplantsa sila ng pera!

Kahit gahaman sa pera ang boss nila, may konsuwelo naman daw, binigyan sila ng P5,000 extra talent fee sa kanilang 1 month salary.

Yan, kasibaan mo, binaha tuloy ang mga pera mo!