Tess Lardizabal

Panawagan ni PBBM sa NSCR dininig

April 25, 2024 Tess Lapuz-Lardizabal 200 views

NAKAMIT na ba ng North South Commuter Railway project ang suporta ng ilang mga barangay officials na dating humahadlang dito?

Maaalala na nitong mga nakaraang linggo, kumalat ang balitang may mga opisyal umano ng ilang barangay sa Metro Manila ang hayagan at tahasang hinahadlangan ang pagpasok ng mga tauhan ng pambansang pamahalaan sa kanilang lugar.

Ang mga naturang tauhan ay magsasagawa dapat ng census at public information campaign kaugnay ng NSCR project – ang pinakamalaking proyektong pang-transportasyon ng bansa na inaasahang lulutas sa problema ng trapiko sa National Capital Region.

Ayaw din umanong papasukin ng mga naturang opisyal ng barangay ang mga manggawa ng pribadong kontratista ng NSCR project.

Hindi tuloy maisagawa ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga pangunahing hakbang para sa NSCR project. Nalagay tuloy sa panganib na lubhang maantala ang proyekto na mangangahulugan ng dagdag na gastusin para sa bayan.

Marami tuloy ang nag-aalala na baka matagalan pa bago maranasan ng mga kababayan natin ang mahalagang benepisyo ng NSCR project dahil sa asal at kilos ng mga ito.

Tingnan natin ang mga benepisyo. Ang NSCR ay magkokonekta sa Calamba City sa timog at New Clark City sa hilaga sa pamamagitan ng makabago at malalapad na riles na may habang 147 kilometro.

Ang mga riles na ito ay dadaanan ng mga moderno at mabibilis na tren. Mababawasan nang mahigit kalahati ang kailangang oras sa pagbibiyahe.

Ang NSCR ay kokonekta sa mga linya ng LRT. Ibig sabihin, ang mga taga-Metro Manila ay puwede nang magbiyahe papuntang Calamba at Pampanga na gamit lamang ay ang tren. Hindi na sila masasalalak sa trapik.

Ang NSCR ay mayroon ding tinatawag na Airport Express Service. Ang mga tren na gagamitin dito ay kasama sa mga pinakamabilis na tren sa Asya.

Babawasan nito nang mahigit sa kalahati ang oras na kailangan para makarating ang mga biyahero sa Clark International Airport.

Nakakapagtaka kung bakit sa ganda ng proyektong ito ay may mga opisyal ng barangay na nagtangkang harangan pa ang pagpapatupad ng NSCR project.

Buti na lang, mukhang bumaligtad na ang mga naturang opisyal ng barangay. May mga nag-ulat na nakapag-umpisa na ang mga ahensya ng pamahalaan ng kanilang pakikipag-usap sa mga informal settlers na maapektuhan ng NSCR project.

Nagbigay na din daw ng pahintulot ang mga naturang opisyal ng barangay sa mga kontratista ng NSCR para makapagsimula na ng konstruksyon ang mga manggagawa ng mga ito.

Natunghayan nga namin sa social media na sinimulan nang baklasin ang mga lumang riles ng tren ng Philippine National Railways sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Aba, mabuting balita kung ganoon! Sana lahat ng LGUs ganito.

Bakit kaya nagbagong-loob ang mga dating humahadlang sa NSCR project?

Sabi ng iba, mukhang dininig naman daw ng mga naturang opisyal ng barangay ang panawagan ng Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na magtulungan ang lahat para ma-resolba ang problema sa right-of-way.

Sabi naman ng iba, mukhang ipinatawag daw ng kanilang mayor ang mga naturang opisyal ng barangay.

Ang mahalaga, nagbagong isip at damdamin na ang mga opisyal na ito ng barangay. Hindi na sila hadlang sa pagkakaroon natin ng modernong tren.

Kung totoo man na ang dahilan ng pagbabagong loob ng mga ito ay ang kanilang mayor, saludo po kami sa kanya. Importante talaga ang tulong ng mga lokal na pamahalaan sa mga ganitong proyekto.

Opinion

SHOW ALL

Calendar