Claudine

Claudine sinisisi ang sarili sa pagkamatay ni Rico

May 4, 2024 Vinia Vivar 94 views

Mahigit dalawang dekada na buhat nang pumanaw ang dating matinee idol na si Rico Yan pero hanggang ngayon ay sariwang-sariwa pa rin kay Claudine Barretto ang mga nangyari na parang kahapon lamang ito naganap.

Sa panayam ni Ogie Diaz kay Claudine, tandang-tanda pa ng aktres ang mga detalye days before her ex-boyfriend died hanggang sa pumanaw ito noong March 29, 2002.

Aniya, that time ay magka-live-in sila ni Rico pero nakikipaghiwalay na siya talaga rito noong November pa of 2001.

“Ang nangyari was, November, 2001, nasa Ad Congress siya. Pag-uwi niya, end of November, may nalaman ako. And naghiwalay kami. Pero we were still staying under the same roof.

“And ang usapan is January, move out. He was really sorry and he was asking pa na ayaw pa niya umalis,” pagre-recall ni Claudine.

That time ay ginagawa umano nila ang movie nilang Got To Believe na matatandaang ipinalabas ng February, 2002 na naging box-office hit.

“So, parang sabi ko, ‘o sige, let’s be professional, let’s work, pero hindi na tayo magkakabalikan kasi hindi na ako magiging ‘yung Claudine na gusto mo, na Claudine na minahal mo,’” kwento ng aktres.

Dagdag pa niya, “Ang tagal kong prinotektahan ‘yung pangalan ni Rico. Pareho kaming may mali. Hindi ko lang talaga matanggap ‘yung time na ‘yun, kung anuman ‘yung nangyari during Ad Congress.”

Dumating ang January, 2002, sinabihan niya si Rico na kailangan na nitong umalis sa kanyang condo pero na-delay nang na-delay hanggang sa dumating ang buwan ng Marso.

“Tapos, sabi ko, ‘wala nang balikan ‘to, ‘yun na, let’s remain friends,” aniya.

Nag-away daw sila ng March 4 at umabot ng March 5. Pero nilinaw ni Claudine na hindi totoo ang lumabas na balita that time na sinaktan siya ni Rico.

“’Yun ang gusto kong iklaro. Never. Hindi naman siya perfect, hindi ako perfect. Nagsigawan kami pero hindi umabot sa nananakit, hindi siya ganyan,” kwento ni Claudine.

Ipinagtapat ng aktres na pinagsisisihan niya ‘yung gabi na tumawag si Rico sa kanya bago ito natagpuang patay sa kanyang kwarto sa Dos Palmas Resort sa Palawan.

“March 29 ng madaling araw, tumatawag siya,” aniya.

“Blinock ko ‘yung number niya. So, parang sinabi ng sister niya, ‘yung last call niya was sa sister niya at sa akin, seven phone calls ‘yun na hindi ko talaga sinagot.”

Dagdag niya, “Alam mo ngayon, naisip ko, baka ‘yun ‘yung pinakamalaking karma ko.”

Tandang-tanda pa rin ng aktres ‘yung moment na nalaman niya na wala na si Rico that morning at umiiyak niya itong ikinuwento.

Nasa Subic daw sila ng kanyang family that time at ang daddy niya ang nag-break ng news sa kanya.

“Hinawakan ako ng dad ko, both my hands, sobrang tight, and then he looked straight in my face and sabi niya sa akin, ‘Dine, you know that Rico is in Puerto Princesa, right?’ ‘Yes,’ sabi ko. Pero gumaganu’n na ‘yung heart ko.

“‘This morning,’ tapos nag-crack ‘yung voice niya, ‘they found him dead,’” umiiyak niyang kwento.

“And alam mo ‘yung parang lumiit ‘yung kwarto, parang dumilim and then I started shouting, ‘open the blinds, open the lights,’” kwento pa niya.

Marami pang kontrobersiyang nangyari during Rico’s wake tulad ng pinagbawalan si Claudine ng pamilya na pumunta.

Ayon sa aktres, hindi niya alam kung bakit.

“Lahat ng ito, inuulit ko lang for the timeline. Pero lahat ‘to, all is forgiven, emotions were all high,” she said.

Umiiyak pang sabi ni Claudine, matagal siyang nagalit sa sarili niya at sinisisi niya rin ang sarili sa pagkamatay ni Rico.

“Sana malaman ng tao na dala-dala ko ‘yun araw-araw. Kung nandu’n ako, baka buhay pa siya, alam mo ‘yun?” emosyonal pa rin niyang wika.

“’Yun ‘yung pinagsisisihan ko. Baka kung nandu’n ako, baka nagawan ko ng paraan. Pero hindi rin ako doktor, hindi rin ako Diyos,’” aniya.

At sa mga nagsasabing ginagamit niya si Rico dahil patuloy niya itong binabanggit hanggang ngayon, ani Claudine, “No, I just want him to be remembered.”

Ito na umano ang huling beses na pagsasalita niya about Rico at hindi na niya ito pag-uusapan pa sa mga susunod niyang panayam.

“He’s already in God’s hands. But he’s always gonna be in my heart,” umiiyak pa ring sabi ng aktres.

AUTHOR PROFILE