Win

Pamangkin ni Jaya isa sa tatlong Win Girls

May 17, 2024 Ian F. Fariñas 105 views

PORMAL nang ipinakilala sa entertainment press ng MQuest Ventures ang Win Girls, ang tatlong babae na magsisilbing co-hosts ni Willie Revillame sa sisimulan nitong bagong programa sa TV5.

Ito ay sina Ana Ramsey, Inday Fatima at TikTok superstar Queenay Mercado.

Sa tatlong Win Girls, tanging si Ana lamang ang may dugong show business dahil apo siya ng yumaong Pinoy Queen of Rock and Roll na si Elizabeth Ramsey.

In short, pamangkin siya ng tinaguriang Queen of Soul ng Pinoy music na si Jaya.

Pag-amin ni Ana, may pressure na dala ang pagkakaroon niya ng apelyidong Ramsey. Lalo pa nga at bilin daw ng lola niya nang nabubuhay pa na sana ay ma-maintain ni Ana ang pangalang Ramsey sa industriya.

“Actually, ‘di po talaga maaalis na may pressure kasi napakaganda po ‘yung talagang legacy of course, ni lola, Elizabeth Ramsey, and of course, Tita Jaya. Alam mo ‘yon, nakamit nila ‘yung success talaga nu’ng peak ng success nila, so may pressure po talaga but at the same time, ginagawa ko silang inspirasyon, na sundan ‘yung mga yapak nila dito sa industriya. Actually, bago po nawala si lola, nu’ng nabubuhay siya, sabi niya sa akin talaga, na sana ma-maintain ko ‘yung Ramsey sa industriya. And with God’s will, well, sana makapag-stay po tayo nang matagal sa industriyang ito,” pahayag ni Ana, na bago maging Win Girl ay in-demand bilang radio DJ at online sensation.

Samantala, si Inday ay isa namang beauty queen at Bisaya influencer mula Malungon, Sarangani.

Registered medtech din siya na ang adbokasiya ay may kinalaman sa kalusugan ng persons with disabilities (PWDs).

Kilalang TikTok content creator naman ang Batangueñang si Queenay na may 14.7M followers sa nasabing short-form video platform. Breadwinner ng pamilya si Queenay kaya naman ganu’n na lamang ang tuwa niya nang pumasa sa auditions para sa Win Girls.

Bukod sa tatlo, meron pa umanong dalawang kukumpleto sa grupo ng Win Girls na ang hula ng press mula sa patikim na ipinakita noong mediacon ay sina Alyssa Valdez at Juliana Gomez.

AUTHOR PROFILE