Magi

Ang pagbabasa ay isang panghabambuhay na kasanayan (ikalawang bahagi)

May 4, 2024 Magi Gunigundo 135 views

Ang panggagaya ay hindi lamang pinakamatapat na anyo ng pang-uuto — ito rin ang pinakamatapat na paraan ng pag-aaral — George Bernard Shaw

HINDI masamang gayahin ang mga gawi ng mahusay magbasa upang umangat ang sariling antas ng pag-unawa sa binabasa. Bago pa mag-umpisang magbasa, ang mga mahusay magbasa ay tinitiyak ang kanyang layunin o pakay bakit niya babasahin ang literatura. Pinaplano nila ang tamang paraan ng pagbasa nito, at patuloy na sinusubaybayan ang kanilang pag-unawa habang nagbabasa nito, at naglalapat ng mga diskarte sa pagkukumpuni kapag nagulo o lumabo ang kanyang pag-unawa dito.

Kasama sa plano ang pagkilala kung alin sa dalawang uri ng istraktura ng teksto ang babasahin: una, ang nagsasalaysay ng kwento ,at ikalawa, ang naglalahad ng impormasyon. Magka-iba ang hinihinging paraan ng pagbabasa ng dalawang istraktura.

Ang tekstong nagsasalaysay ay nagsasabi ng isang kuwento tulad ng mga maikling kwento, nobela, alamat, pabula, pantasya, at maging sa pag-uulat ng balita, at talambuhay. Kadalasan mayroon itong simula, gitna, at pagtatapos na may malinaw na mga elemento ng kuwento: mga tauhan (bida at kontrabida), tagpo (nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap; lungsod o kanayunan; panahon ng kapayapaan/panahon ng digmaan atbp), mga tema (tao v tao, tao v kalikasan, tao v sarili) isang sentral na problema (na humahadlang sa bayani na maging masaya), isang pagkakasunod-sunod na mga pangyayari na nagpapatindi ng gulo hanggang umabot sa lundo o “climax” kung saan ang problema ay mauuwi sa kasawian o di naman kaya ay nalunasan ito sa hindi inaasahang paraan.

Ang pangunahing layunin ng tekstong ekspositori ay ipaalam, ipaliwanag, o humikayat sa paglalahad ng katotohanan. Kabilang dito ang mga aklat-aralin, sariling talambuhay, pahayagan, talaarawan, akademikong diyornal, magasin, brosyur, at katalogo. Gumagamit ito ng iba’t ibang metodolohiya sa paglalatag ng ideya: ang sanhi-at-bunga(cause and effect), paghahambing at pag-kakaiba (comparison and contrast), pagkakasunud-sunod ayon sa oras; na lumalabas sa anumang kabanata o seksyon ng isang teksto. Mayroon din mga heding at sab-heding ang teksto, at maaaring maglaman ito ng graphics tulad ng mga talahanayan, tsart, diagram, at mga ilustrasyon o larawan.

Karamihan ng mga literaturang babasahin ng mag-aaral sa paaralan at sa buong buhay nila ay mga ekspositoring teksto na mas mahirap unawain sapagkat walang pamilyar na linya ng kuwento ito upang gabayan ang pagbabasa. Ang mahusay magbasa ay natutuhang magbugkos ng impormasyon at pagdugtungin ang magkaugnay na ideya at konsepto; nabubuod ang mahalagang ideya at konsepto gamit ang sariling mga salita; at nailalapat ang impormasyon sa mga totoong sitwasyon sa mundo at sariling “schema”.

Habang natututo ang tao tungkol sa mundo, dinedeposito niya ito sa sari-saring sisidlan ng mga kaalaman. Ito ang mga “schema” na konektado sa marami pang iba, paliwanag ng mga cognitive scientists. Lumalaki at nagbabago ang mga ito habang ang isang tao ay nakakakuha ng bagong impormasyon sa pamamagitan ng karanasan at pagbabasa. Ang mga mahusay magbasa ay patuloy na ikinokonekta ang kanilang schema sa bagong kaalaman na kanilang nararanasan sa isang teksto. Lumilitaw na ang paggamit ng schema ay nagsisimula sa sandaling matutong magbasa sa murang gulang pa lang. Ang paunang schema ay nag-papagalaw sa iba pa, kaya direktang nakakaapekto sa kung paano nauunawaan at tumutugon ang mga nagbabasa sa isang teksto.

Halimbawa, ang schema ng isang paslit para sa aso ay ang alagang hayop ng pamilya – isang bagay na maputi, mabalahibo, at masayang laruin. Habang lumalaki, ang bata ay nakakakuha ng higit pang mga karanasan sa aso sa iba’t ibang tagpo na magpapalawak at nakakatam ang schema para sa aso. Maaari itong kumonekta sa ibang schema — mga uri ng aso; kulay ng mga aso; mga pagkain na kinakain ng aso; mga lugar kung saan nananatili ang aso kapag ang pamilya ay nagbabakasyon; mapanganib na aso; sino ang beterinaryo; at mga lokasyon ng mahahalagang palabas sa aso.

Abangan sa susunod na pitak ang pitong gawi ng mahusay magbasa upang lumalim ang pag-unawa sa binabasa na maidadagdag natin sa ating mga schema.

AUTHOR PROFILE