Vic Reyes

“Challenging” ang revenue targets ng BOC at BIR sa taong ito.

May 22, 2024 Vic Reyes 104 views

MULA pa noong Enero ay buwan-buwang nalalampasan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang monthly collection target sa taong ito.

Ang ibig sabihin nito ay maganda ang tax collection performance ng ahensiyang pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ng Ilocos Norte.

Sa katunayan ay umabot ng tumataginting na P295.2 bilyon ang koleksyon ng BOC sa unang apat na buwan ng taon (Enero hanggang Abril).

Kaya dapat makakolekta ang ahensya ng mahigit P200 bilyon sa buwan ng Mayo at Hunyo para umabot ng P500 bilyon ang koleksyon sa first semester.

Huwag natin kalimutan na ang assigned tax take ng BOC sa 2024 ay P1 trilyon.

Sa tingin ng marami ay mukhang mahirap umabot ng P500 bilyon ang koleksyon ng BOC sa unang anim na buwan ng taon.

Ang maganda lang ay naka-schedule na i-review ng gobyerno sa katapusan ng Hunyo ang collection targets ng BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Talaga namang aminado ang gobyerno na “challenging” ang revenue targets ng BOC at BIR sa taong ito.

Lalo na sa mga taga-BOC na umaasa lang sa value at volume ng mga dumarating na importasyon.

Kung kaunti ang importasyon ng mga negosyante ay kaunti rin ang makokolektang buwis at taripa.

Nananalangin nga sila na lalo pang gumanda ang ekonomiya sa buong mundo para lalago rin ang negosyo ng mga importador.

Kung bagsak ang ating ekonomiya ay baka maraming import companies ang magsara o mag-slow down sa nalalabing buwan ng taon.

Wala sa kamay ng mga taga-BOC, kahit gaano sila kasipag, ang laki ng papasok na buwis sa kaban ng gobyerno.

Isa pa, nandiyan pa rin ang ismagling. Outright at technical smuggling.

Ang tiyak natin ay handang-handa ang mga “men and women in customs uniform” na magtrabaho para sa kapakanan ng publiko at bayan.

Hindi ba, Finance Secretary Ralp Recto at BOC Commissioner Rubio?

***

Naabot na ng Commission on Elections (Comelec) ang target nitong tatlong milyong botante na irehistro para sa 2025 elections.

Sa katunayan, hanggang nitong Mayo 20, 2024 pa lamang ay umabot na sa 3,020,999 ang kabuuang bilang ng mga aplikasyong kanilang naiproseso.

Marami ang nagsasabing baka aabot pa ng kalahating milyon ang magpaparehistro dahil hanggang September 30 pa ang registration period.

Tama lang ito dahil mahigit apat na milyong botante ang naalis na mga registered voters dahil sa iba-ibang kadahilanan.

Karamihan dito ay natanggal sa listahan dahil hindi sila nakaboto ng dalawang sunod na regular elections.

Kailangang magpa-rehistro uli sila para makaboto sa darating na May 2025 national at local elections, ayon sa Comelec.

Ang maganda ngayon ay nandiyan ang “register anywhere” na programa ng Comelec, na pinamumunuan ni Chairman George Erwin Garcia.

Sa ilalim ng programa ay puwedeng magpa-rehistro sa Manila ang isang botante kahit na botante siya sa Mindanao o Visayas.

Hindi mo na kailangang umuwi ng probinsiya para lang magpa-rehistro bilang botante.

***

Tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Pero hindi sapat na dahilan ito para magpatupad ang gobyerno ng “travel restriction.”

Ang magandang balita, lahat ng rehiyon sa bansa ay nananatiling nasa “low risk” sa COVID-19.

Ang kailangan lang natin ay mag-ingat at kung maaari lang ay magsuot tayo ng face mask kapag tayo ay lumalabas ng bahay.

At kung puwede ay umiwas din tayo sa mga matataong lugar kasi hindi natin alam kay may COVID-19 ang makakasalamuha natin.

Walang masama kung tayo’y mag-ingat dahil hindi biro ang magkasakit ngayon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE