PNP1 Source: PNP file FB photo

6-anyos sinuntok, sinakal, sinilid sa basket ng ama

May 22, 2024 Melnie Ragasa-limena 89 views

Babaeng biktima may cerebral palsy

ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong suntukin at sakalin ang anim na taong gulang na anak na babae na may sakit na cerebral palsy sa Quezon City nitong Martes ng umaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act, para sa physical at emotional abuse ang 27-anyos na suspek na nakadetine na sa Cubao Police Station, Police Station-7, ng Quezon City Police District,

Ayon sa report, bandang alas-9 ng umaga ng Mayo 21 nang maganap ang insidente sa Barangay San Roque, Cubao sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni Pat. Gelyn P. Cabatay, umiinom umano ng alak ang suspek at nang malasing ay biglang sinampal at sinakal ang 6-anyos na anak na babae na may cerebral palsy.

Hindi pa umano nasiyahan ang suspek ay sinakal nito ng lace ng vape ang anak at saka ipinasok sa laundry basket.

Dahil sa takot at walang magawa ang 24-anyos na ina ng biktima ay kinunan nito ng video ang pananakit ng mister sa kanilang anak.

Pero nakita ito ng suspek at tinangkang agawin ang cellphone para sirain ngunit hindi ito binitiwan ng kaniyang misis.

Dahil dito ay sinuntok ng suspek sa mukha ang kanyang misis saka hinampas pa ito sa sahig habang nagbabantang papatayin silang mag-ina.

Nakatakbo sa labas ang kaniyang misis at humingi ng saklolo sa mga tanod ng Brgy. San Roque at naaresto ang suspek.