Posas

Technician laglag sa P6.8M shabu

June 15, 2024 Edd Reyes 200 views

NASAMSAM ng mga pulis sa bahay ng isang aircon technician na may press ID ang may P6.8 milyong halaga ng shabu sa buy-bust noong Sabado sa Caloocan City.

Ikinasa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni P/Maj. Jeradson Rivera ang buy-bust dakong alas-12:25 ng madaling araw sa bahay ni alyas Francis, 29, sa Block 9 Lot 16 Tanigue St., Samatad Compound, Brgy. 14, Dagat-dagatan matapos pumayag na makipag-transaksiyon sa pulis na nagpanggap na buyer.

Sinabi ni NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas na ilang linggong minamanmanan ng kanyang mga tauhan ang ilegal na operasyon ni alyas Francis hanggang makasilip sila ng pagkakataon na makipag-transaksiyon sa suspek.

Nasamsam kay Francis ang 1,000 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, press ID, plastic na supot na may Chinese character at isang bag na itim.

Ayon kay Maj. Rivera, hinahanda na ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act na ihahain sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE