Chiz Makikita si Senate President Chiz Escudero sa kanyang unang meeting kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Ang meeting ay inilarawan ni Escudero na ‘productive at encouraging’.

Chiz sosolusyunan mga problema sa Senado

June 15, 2024 PS Jun M. Sarmiento 127 views

NAGSIMULA ng kumilos si Senate President Francis Chiz Escudero kung saan ay inamin nitong kailangan niya gumawa ng mga maagap ng hakbanging para solusyunan ang iba’t ibang problema sa loob mismo ng Senado tulad ng parking at iba pang isyung kinakaharap ng mga kawani.

Sa flag-raising ceremony noong Lunes, binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng pagtitiyak ng sapat na parking facility na matagal nang problema sa lokasyon ng Senado sa GSIS building sa Pasay City.

Para mapagaan ang problema ito, idinitalye ni Escudero ang ginagawang habang para maisaayos ang parking spaces sa GSIS building, na magsisilbi bilang isang modelo sa hinaharap ng plano sa New Senate Building.

“Dito, anong ginagawa natin? Sinisikap nating maayos ang parking ng empleyado’t bisita ng Senado para sa mas maayos na kapaligiran. Kinuha na natin, hiningi natin, at hiniram natin ang lupa ng DPWH sa gawing kaliwa ko para makapagbigay ng humigit kumulang 300 na espasyo para sa parking,” pahayag niya.

Maliban sa paggamit ng lote ng Department of Public Works and Highways, sinabi ni Escudero na patuloy ang negosasyon sa Social Security System para magamit ang bahagi ng lote bilang kanilang parking space sa likod ng GSIS building.

“Sa kabuuan, kaya nating makapagbigay ng humigi’t kumulang 1,400 slot para sa mga nagmo-motor at may sasakyan,” sambit ni Escudero.

“Kaayusan kaugnay sa simpleng paniniwala at prinsipyo ko na maayos dapat ang lugar na pinagtatrabahuan, kapag ka malinis at masinop madalas o palagi magiging malinis, masinop at maayos din ang pagtrato natin sa ating kapaligiran na maaapektuhan din ang ating trabaho,” paliwanag niya.

Sa mga nagdaang linggo, inikot ni Escudero ang bawat tanggapan sa kasalukuyang gusali ng Senado para mas maitindihan ang pangangailangan at alalahanin ng halos 2,000 opisyal at kawani ng institusyon.

Sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony, idinitalye din ni Escudero ang nag-udyok sa kanyang pagbisita sa bawat tanggapan ng Senado at binigyang-diin ang kahalagahan na pakinggan ang concern o alalahanin sa bibig mismo ng mga kawani, gayundin ang kanilang ninanais at mga pangangailangan, na aniya’y napakahalaga para sa maayos na serbisyo ng Senado sa bansa.

“Sa aking pakiramdam at pakiwari, trabaho kong alamin ang bawat opisina gayundin ang kondisyon ng bawat opisyal at empleyado upang marinig at mapakinggan din ang inyong mga concern, ang inyong mga ninanais, ang inyong mga mithiin, pangarap at pangangailangan kaugnay ng trabahong marapat at dapat nating gampanan sa ating paninilbihan sa bayan at sa sambayanan,” diin ni Escudero.

Ang mga inisyatibo ni Escudero ay pagpapakita ng kanyang ‘hands-on leadership style’ at ng kanyang dedikasyon para masigurong ang operasyon ng Senado ay nakahanay sa pangangailangan at inaasahan ng kanyang mga staff, at sa huli’y mapahusay ang abilidad ng institusyon na epektibong mapagsilbihan ang publiko.