Bilyar Source: File photo FB

Negosyante patay sa away sa bilyar

April 26, 2024 Edd Reyes 75 views

TIGOK ang 37-anyos na van rental owner ng ratratin ng nakaalitan sa pustahan sa bilyar sa Caloocan City noong Miyerkules.

Nagtangka pang tumakbo kahit may tama na ng bala sa dibdib si alyas Mark ng Tambakol St., Brgy. 26 pero hinabol siya ng suspek na si alyas Jeday at paulit-ulit na binaril sa likod sa harap ng resto bar sa A. Mabini St., Brgy. 26.

Iniutos na ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang pagtugis sa suspek matapos umeskapo matapos ratratin ang biktima dakong alas-6:36 ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Aldrin Mathew Matining at P/Cpl. Ariel Dela Cruz na nagtatalo ang biktima at suspek habang nanonood ng bilyar sa Marcela billiard hall matapos hindi magkasundo sa kanilang pagpupustahan.

Naawat naman ang dalawa at sinamahan pa ng isa si alyas Jeday palabas ng bilyaran pero sumunod sa kanila ang biktima at doon siya binaril ng suspek.

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Police District-Forensic Unit (NPD-FU) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng kalibre .45 na kanilang isasailalim sa ballistic examination.

AUTHOR PROFILE