Tolentino

Tolentino sa COMELEC: Pag-upo ng mga ‘wagi sa BSKE, tiyaking maayos

October 29, 2023 People's Tonight 168 views

HINIMOK ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang Commission on Elections (COMELEC) at Department of Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng tamang transisyon para sa mga bagong opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) lalo na sa pagpapakalat ng impormasyon sa pinakabagong desisyon ng Korte Suprema na ang mga nanalo ay agad na mauupo sa posisyon.

Sa kanyang lingguhang radio program sa DZRH nitong Sabado, sinabi ni Sen. Tol kay COMELEC chairman George Garcia na dapat ay maglunsad ng info drive ngayon o bukas ang DILG at COMELEC para nang sa gayon magkaroon muna ng transition kahit isang linggo dahil sa Undas.

Para sa senador, ito ay magbibigay-daan sa mga bagong barangay at SK officials na magkaroon ng maayos na turnover.

Ayon kay Garcia, nakikipag-ugnayan ang COMELEC at DILG para maayos na maipaalam sa paparating na hanay ng barangay at SK officials ang nasabing ruling.

Sa isang Press Conference noong Oktubre 25, sinabi ni Garcia na sa sandaling mahalal sila ngayong Oktubre 30 at maiproklama, kinabukasan ay dapat silang umupo kaagad dahil nagsimula ang kanilang termino sa panunungkulan noong Enero 1, 2023.

Binanggit ng opisyal ang 27 Hunyo SC decision alinsunod sa RA 11462 o ang batas na nagpapaliban sa 2020 barangay at SK elections.

Samantala, hinimok din ni Sen. Tol ang COMELEC na magkaroon ng maayos na hotline para sa mga botante para sa kanilang election-related concerns lalo sa mismong araw ng botohan.

AUTHOR PROFILE