Jinggoy

‘PDEA leaks’ may plug na

May 24, 2024 PS Jun M. Sarmiento 98 views

ITINANGGI mismo ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada ang mga akusasyong pinalulutang na nagdadawit sa Malakanyang na umano’y nagutos sa kanya na makisawsaw sa imbestigasyon sa kontrobersiyal na Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA leaks at ipakulong si dating narcotics agent Jonathan Morales, na pinakawalan na sa detention sa Senado noong Mayo 23 sa pamamagitan at pakiusap na rin mismo ni Estrada.

Ang mga ugong-ugong na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ay pawang kathang isip lamang, ani Estrada. Itinanggi din niya na ito ang nagtulak sa kanya para sumawsaw sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng kontrobersiyal na PDEA leaks isyu.

“Never. No such thing. Kaya siya (Morales) na-cite in contempt during the hearing ay dahil sa patuloy niyang pagsisinungaling. Paulit-ulit na kasinungalingan. Kahit noong ininsulto niya ako, hindi naman ako nag-motion na i-contempt siya. But ‘yung paulit-ulit na kasinungalingan, ‘yun ang reason bakit ako nagpa-cite sa contempt para kay Morales,” paglilinaw ni Estrada.

Matatandaan na noong ikaapat na pagdinig ng “PDEA Leaks” controversy, ginisa ni Estrada si Morales tungkol sa mga impormasyon nito na kanyang inilahad sa kanyang personal data sheet (PDS) na isinumite sa PDEA.

Kinuwestiyon ni Estrada si Morales sa ilang mga kasagutan nito sa kanyang PDS na hindi aniya makatotohanan at isang misrepresentasyon ng kanyang PDS na umano’y magpapatunay kung ito nga ay isang credible witness.

Nagkaroon ng komprontahan sina Estrada at Morales ukol sa pagukilkil ng senador kung ang kanyang certified true copy na PDS sa PDEA ay kumpirmadong personal niyang napirmahan.

Una itong itinanggi ni Morales at muli ay pinapirma siya ni Estrada sa isang blangkong papel na hindi magkapareho ang itsura ng pirma.

Dito na nagdesisyon si Estrada na ipakuha ang iba pang papeles na mayroon siyang pirma para ikumpara at dito rin inamin ni Morales na ito nga ang kanyang dating pirma na ginagamit sa mga dokumento.

Inilahad ni Morales sa kanyang PDS ang sagot na “No” sa katanungan kung siya nga ay natanggal sa pagkapulis at ito ang naging ugat para lalong igiit ni Estrada ang pagdududa sa kanyang kredibilidad.

“And ‘yun ang talagang trigger. Hindi niya ako sagutin ng deretso sa kanyang PDS,” paliwanag ni Estrada. Iginiit nito na malayong ikabit ang isyu sa pangulo at sa kanyang maybahay dahil PDS ni Morales ang naging ugat ng matinding argumento sa gitna ng pagdinig.

Ang pagklaro ni Estrada sa isyu ay upang bigyang linaw din na wala siyang alam sa mga akusasyon na ikinakabit ng dating pangulo ng Senado na si Sen. Juan Miguel Zubiri na pinatalsik kamakailan lamang, kung saan nagbitaw ito ng salita na may mga “powers that be” na nasa likod ng pagpapaalis sa kanya sa puwesto sa Senado na may kinalaman din umano sa PDEA leaks investigation sa Senado.

“I cannot speak for Sen. Zubiri but as far as I am concerned, there is no such thing. I want to ferret out the truth and the whole truth. As an accuser, the burden of proof lies to the accuser. Hindi puwede magakusa ka tapos hindi ka magpapakita ng matinding proof para patunayan ang mga akusasyon mo,” giit ni Estrada.

Idinugtong din ni Estrada na para sa kanya ang pahayag ng hepe mismo ng laboratory ng St. Lukes Global nang humarap ang dalawang doktor sa pagdinig ay sapat na, dahil kinlaro umano ng mga ito na sila ay witness at sila mismo ang nagsagawa ng pagkuha ng test ni Pangulong Marcos Jr. na noon ay kandidato pa lamang sa pagkapresidente.

Maliwanag aniyang negatibo ang resulta nito na kanilang pinanumpaan mismo sa gitna ng pagdinig.

Ibinulgar din ni Estrada na wala ng susunod na hearing na mismong si Dela Rosa umano ang nagkumpirma sa kanya noong tanungin niya ito kaugnay ng imbestigasyon sa isyu.

“Siguro wala ng susunod na hearing. Nasabi kasi ni Senator Bato na magpapa-execute na lamang siya ng affidavit ni Kumar para maisama ito sa kanyang report,” pagklaro ni Estrada.

Sinabi rin niyang hindi inalis kay Dela Rosa ang kanyang komite at ito pa rin aniya ang mananatiling chair ng Senate committee on public order and dangerous drugs.

Nang tanungin kung bakit personal niyang hiningi kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na pakawalan si Morales sa kanyang detensyon sa Senado, inamin ni Estrada na alam niya ang lungkot ng mawalay sa pamilya lalo’t siya mismo ay nakulong rin ng mahabang panahon.

“I sympathize with Morales. I myself is a former detainee. Mahirap malayo sa pamilya. Nag-motion ako na i-contempt siya kasi trabaho ko ‘yun na ipakita ang katotohanan. Wala naman itong personalan kundi trabaho lang. Gayunman, gusto ko na maging masaya sila ng kanyang pamilya ngayon na nakauwi na si Morales,” paliwanag ni Estrada.

Napagalaman din na bukod pa kay Morales ay hiniling din nila ni Dela Rosa na pakawalan sa detensyon ng Senado si Eric “Pikoy” Santiago noong Huwebes upang makauwi na rin ito aniya sa kanyang pamilya.