Cayetano

Sen. Alan Peter bagong chairperson ng 2 committees

May 24, 2024 PS Jun M. Sarmiento 64 views

NAHALAL si Sen. Alan Peter Cayetano bilang chairperson ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship at Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Kasama sa pagbabago ng pamumuno sa mga committees sa pagbabago sa pamumuno ng Senado bago ang sine die adjournment ng ikalawang regular na sesyon at matapos maitalaga si Sen. Francis Escudero bilang bagong Senate President noong Lunes.

Bilang committee chair ng Trade, Commerce and Entrepreneurship, pangangalagaan ni Cayetano ang mga usapin na may kaugnayan sa pambansa at internasyonal na kalakalan.

Kabilang sa kanyang mga responsibilidad ang pangangasiwa sa pribadong korporasyon, mga Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs) at regulasyon ng mga gawain ng mga negosyante.

Dagdag pa rito, nakatuon si Cayetano sa kontrol ng kalidad at proteksyon ng mga mamimili. Pamumunuan din ni Cayetano ang Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.

Sa komiteng ito, tutugunan niya ang mga isyu na may kaugnayan sa post-secondary at tertiary education, technical education, distance learning at pagsasanay sa trabaho.

Kabilang sa kanyang tungkulin ang mapanatili na nasa maayos na kapakanan ang mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga scholarship, grant at insentibo.

Si Cayetano din ang nagnomina kay Sen. Francis Tolentino, ang bagong lider ng mayorya, bilang committee chair ng Ethics and Privileges upang masigurado ang matatag na reputasyon ng Senado.

Sa mga pagbabagong ito sa liderato, pangungunahan ni Cayetano ang apat na komite kabilang na ang Committee on Accounts at Committee on Science and Technology.

Hangarin niyang masolusyonan ang mga isyung may kinalaman sa kalakalan, edukasyon at gawain ng pamahalaan.