Gatchalian

Win itunutulak pagbawal ng mga POGO sa PH

May 24, 2024 PS Jun M. Sarmiento 70 views

NAGHAIN si Sen. Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na magbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2689 na naglalayong bawiin ang taxability o pagpapataw ng buwis sa offshore gaming batay sa itinatakda ng Republic Act 11590, ang tanging batas na naglelehitimo sa operasyon ng mga POGO.

Nilagdaan ang RA 11590 bilang batas noong Setyembre 22, 2021 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang pangunahing layunin sa huli ipawalang-bisa at ipagbawal ang mga operasyon ng offshore gaming sa bansa,” diin ni Gatchalia.

Ipinaliwanag niya na habang ang industriya ng POGO nagdadala ng kita at nagbibigay ng trabaho, nakikipagbuno ang mga otoridad sa mga krimen na may kaugnayan sa POGO.

Binanggit ng senador ang ilang mga insidente na nakarating sa atensyon ng Senado.

Kabilang dito ang pagsalakay ng mga awtoridad noong Mayo 2023 na kinasangkutan ng Colorful and Leap Group, isang POGO hub sa Clark Freeport Zone.

Isang hiwalay na pagsalakay ng pulisya ang naganap noong sumunod na buwan sa Xinchuang Network Technology sa Las Piñas na sumagip sa may 2,700 na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking.

Isa pang raid noong Oktubre 2023 ang isinagawa sa Smart Web Technology sa Pasay City na humantong sa pagkakatuklas ng isang torture chamber, isang aquarium-style viewing chamber at mga massage parlor na sinasabing ginagamit sa prostitusyon.

Noong Marso 2024 ni-raid ang Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac dahil sa reklamo mula sa isang Vietnamese national ng umano’y pugad ng human trafficking at serious illegal detention.

Ibinunyag ng senador na ang cost-benefit analysis na isinagawa ng Department of Finance (DOF) noong 2022 nagpakita na ang POGO operations nakapagbigay ng economic benefits na nagkakahalaga ng P133.7 hanggang P144.5 billion taun-taon.

Sa kabilang banda, ang mga operasyon ng POGO nagdulot ng pagkawala ng napakalaking halaga na P147.7 bilyon taun-taon dahil sa mga nawalang potensyal na pamumuhunan at kita sa turismo.

“Higit pa sa epekto sa pananalapi, ang pagtaas ng insidente ng human trafficking at mga online scam na nauugnay sa mga POGO nagpapakita lamang ng pagkabigo na dapat nating tugunan,” pagtatapos niya.