Martin3

PAGSULONG SA ECONOMIC CHA2 TULOY

May 24, 2024 People's Tonight 121 views

Para sa inclusive growth — Speaker Romualdez

IGINIIT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon ay nakatuon lamang sa pagbaba ng economic provisions upang maging mabilis ang pag-unlad ng ekonomiya para sa kapakanan ng mga Pilipino.

“The House’s objective is economic reforms for the entire Philippines, ensuring that an all-inclusive economy benefits everyone,” ani Speaker Romualdez sa panayam sa sidelines ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa probinsya ng Tawi-Tawi noong Huwebes.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag bilang tugon sa tanong kaugnay ng nakikitang pagtutol ng bagong liderato ng Senado sa constitutional reforms.

Sinabi ng lider ng Kamara na aalamin nito ang direksyon ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Francis Escudero kapag naka-usap niya ito.

“Well, let’s wait and see because we haven’t talked yet, we haven’t had a meeting,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Noong Marso ay inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na naglalayong payagan ang Kongreso na luwagan ang mga probisyon kaugnay ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa public utilities, higher education at advertising.

Layunin ng RBH No. 7 na makatugon ang Konstitusyon sa mga pagbabago sa ekonomiya ng mundo upang makalikha ng dagdag na mapapasukang trabaho at pag-unlad sa mga Pilipino.

Ang kaparehong panukala — ang RBH No. 6 — ay nakabinbin sa subcommittee ng Senado. Kamakailan ay nagsagawa ito ng public consultation sa Baguio City.

Iginiit rin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maaprubahan na ng Senado ang mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Umaasa rin si Speaker Romualdez na aaksyunan ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Sen. Escudero ang mga lokal na panukala.

“Just finish the priority LEDAC measures, SONA measures requested by our President,” hiling ni Speaker Romualdez sa Senado.

“But of course, you can see all of us congressmen here, all of our local bills, we have many local bills for our concerns, I hope they (senators) finish those,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na natapos na ng Kamara ang mga pangunahing panukalang ito.

“Yes, 100 percent,” sagot ni Speaker Romualdez kaugnay ng pag-apruba ng Kamara sa mga LEDAC at SONA priorities. “All of that, the latest was the amendments to the Procurement Act so the implementation of our government programs and projects will be faster.”

Samantala, iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng demokratikong proseso sa pagpasok ng bagong liderato ng Senado.

“That’s the beauty of democracy, everything can be discussed. We can have meetings, caucuses, but we’re always confident because all of us, whether in Congress or the Senate, have the goal of serving the Filipino people,” wika pa nito.

Kinilala rin ng lider ng Kamara ang pagkakaroon ng bagong oportunidad sa pagpasok ng bagong liderato sa Senado.

“We in the House look forward to challenges and we always enjoy working with our friends in the Senate,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Sa isyu naman ng pagpasa ng absolute divorce bill sa Kamara, sinabi ni Speaker Romualdez na pinabayaan ang mga kongresista ayon sa kanilang konsensya.

“It was close, but it was a conscience vote,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Sa botong 131-109 at 20 abstention, inaprubahan ng Kamara noong Huwebes ang House Bill (HB) No. 9349 o ang panukalang Absolute Divorce Act.

Si Speaker Romualdez ay nakapanayam sa paglulungsad ng BPSF sa Tawi-Tawi kung saan namigay ng P700 milyong halaga ng cash aid at serbisyo sa may 135,000 benepisyaryo.

Halos 100 kongresista ang sumama kay Speaker Romualdez sa paglulungsad ng BPSF sa Tawi-Tawi noong Huwebes, ang pinakamaraming dumalo sa kasaysayan ng programa na inilungsad noong nakaraang taon.

Si Speaker Romualdez ang pangunahing nagsulong ng BPSF na planong dalhin sa 82 probinsya ng bansa. Ang Tawi-Tawi BPSF ang ika-18 yugto ng programa.

AUTHOR PROFILE