Crime

Misis binaril sa mukha ng kapibahay, patay

October 28, 2023 Melnie Ragasa-limena 317 views

DEAD on the spot ang 44-anyos na ginang nang barilin sa mukha ng kapitbahay habang natutulog sa loob ng kanilang barong-barong sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang isang 44-anyos na babae na may live-in partner at nakatira sa bakanteng lote sa pagitan ng Isuzu at Nexor building sa Quezon Avenue, Barangay West Triangle, Quezon City.

Patuloy pang tinutugis ang 45-anyos na suspek na kapitbahay ng biktima.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-4 ng madaling araw ng Oktubre 28 nang maganap ang insidente sa barong-barong sa nasabing bakanteng lote.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Jordan A. Barbado, mahimbing na natutulog ang biktima at ang kinakasama niya nang magising sila dahil sa narinig na kaluskos.

Nagulat na lamang sila nang makitang nasa loob na ng barong-barong ang suspek at agad na pinagbabaril ang biktima bago tumakas.

Agad na nagpasaklolo ang live-in partner ng biktima sa kanilang mga opisyal ng barangay sa West Triangle, at inireport sa pulisya ang insidente.

Dumating ang Scene of the Crime Operative team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Captain John Agtarap at nakasamsam sa pinangyarihan ng krimen ng isang basyo ng bala ng caliber .45 na baril.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaril.