Default Thumbnail

Time and Motion study para sa Vaccine Rollout

August 14, 2021 Magi Gunigundo 460 views

Magi GunigundoUNA, binabati ko ng Happy 85th Birthday ang aking Tatay ngayon Agosto 16. Siya ang panganay sa siyam na magkakapatid na mga anak ni Atty. Serafin C Gunigundo, dating Bokal ng Bulakan, at Natividad Z. Contreras. Valedictorian mula sa High School hanggang MLQU College of Law, mahusay sa debate, orator at extemporaneous speaker. Pagkaraan pumasa sa 1959 Bar, kumuha si Tatay ng Master of Laws sa Amerika sa pamamagitan ng Fulbright scholarship. Pagbalik niya sa Pilipinas, naging tanyag na abogado at nahalal na delegado ng ikalawang Distrito ng Bulakan sa 1971 Constitutional Convention sa edad na 34. Malaki ang naging bahagi ng aking Tatay sa pagpapababa sa edad na 18 para makaboto ang kabataan sa pagpili ng mga pinuno ng bansa.

Sa panahon ng Batas Militar, nagtayo ang aking Tatay ng sariling bupete sa Kalookan para madali siyang mahingan ng tulong ng mga mahihirap na kliyente na inapi at nilapastangan ang mga karapatan. Araw araw, umaga at hapon, mula Lunes hanggang Biyernes, puro bista ang hinaharap ng aking Tatay at mga associates niya. Wala pang internet noon, kaya kay hirap mag saliksik ng mga desisyon ng Korte Suprema na magpapatibay ng iyong argumento sa hukuman. Kumpleto ang mga volume ng SCRA at mga SCRA quick indexes ng aking Tatay. Puro tipa sa Olympia typewriter at ingay ng mimeographing machine ang maririnig mo habang hinahanda ang mga papeles na isusumite sa korte. Mahaba rin ang pila ng mga kliyente at taong humihingi ng payo na nag-uumpisa mula alas singko ng hapon at ito’y inaabot ng alas otso ng gabi kung minsan. Hindi ko alam saan kumukuha ng lakas ang aking Tatay.

Naglingkod din si Tatay bilang Chairman ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) mula 1992 hanggang 1998. Sa kanyang panahon nanalo ang Pilipinas sa Swiss Court na inutos ang pagbabalik sa Pilipinas ng mahigit U$650 milyon na nakadeposito sa mga Swiss banks. Ang perang ito ay ginamit sa agrarian reform program ng pamahalaan.

Sa ngayon, di pa rin tumitigil si Tatay sa pag p-aabogado para sa mahihirap. Matalas pa rin ang kanyang pag-iisip at memorya. Masigla pa rin ang kanyang katawan at buhay ispirituwal. Sa wikang Latin, ang bati ko sa aking Tatay ay Pater, Salus Anima Sana, Mens Sana et Corpore Sano.

Pangalawa, kailangan gumawa ng “time and motion study” ang lahat ng mga LGU sa sistemang pinapatupad nila sa vaccine rollout upang makagawa ng pagbabago para mas mabilis at epektibo ang vaccine roll out sa Pilipinas. Gipit tayo sa panahon. Ayaw natin mapaso ang mga bakuna at hindi rin natin gusto na patuloy na tumaas ang bilang ng mga pasyente sa ICU dahil sa Delta variant ng COVID-19.

Sinabi ni Albert Einstein na isang kabaliwan para sa isang tao na umasa na iba ang magiging resulta kahit na paulit-ulit lang ang kanyang ginagawa. Para hindi tayo matawag na baliw ni Einstein, dapat agad gawin ang time and motion study para makapagpasok tayo agad ng pagbabago sa sistema ng bakunahan ng mga LGUs.

Nag-uumpisa ito sa pagrerehistro ng babakunahan, ma-online man yan o manwal. Susunod ang pagtatakda ng araw at oras ng bakuna na ipapabatid sa babakunahan. Pangatlo ang interbyu sa lugar ng bakunahan para makuha sa babakunahan ang kondisyon ng kanyang katawan, mga dapat iwasan kapag nabakunahan at mga dapat gawin kung may nararamdaman na side effect. Pang-apat ang pagsasaksak ng bakuna at pagbibigay ng katibayan ng pagkakabakuna sa tao. Panglima ang pag papaalala sa petsa ng ikalawang pagtuturok ng bakuna sa tao. Ilang sandali ang bawat hakbang? Paano kung libo-libo ang nagpaparehistro? Ilang tao ba ang kakailanganin para mapabilis ang pila sa bawat hakbang?

Hindi tayo maaaring magbulag-bulagan sa nagaganap sa ating paligid. Ang sarili kong tauhan sa opisina ay umubos ng 8 oras sa pila, kahit mayroon pa siyang appointment para dito, para lang mabakunahan.

Naalala ko tuloy ang aming Operasyon Tule. Bilang na namin ilang bata ang tutuliin batay sa tiket na pinamahagi namin. Tantiyado na namin kung ilang doktor ang kakailanganin para mabilis ang pila at matapos ang bilang ng may tiket. Ang isang doktor ay kayang tumuli ng anim na pasyente kada oras (sampung minuto kada bata mula sa pagsaksak ng panpamanhid, matuli, at mabendahan ang sugat). Samakatuwid, kailangan ng hindi bababa sa anim na doktor para matuli ang 100 bata sa loob ng tatlong oras. Kung may sobra, saka pa lang papapasukin ang walk-in. Walang aksyadong oras, sulit ang medical supplies at hindi pagod ang mga doktor at mga medical aide na tumutulong sa kanila para ihanda ang pasyente. Mayroon tagapahid ng Betadine, may malinis na panggupit at sirindilya ng Lidocaine at gasa na ibebenda sa ari ng pasyente. Hindi pagod si Doktor at mga aides nito.

Kakaunti pa lang ang porsyento ng nababakunahang mga Pilipino. Kung walang time and motion study na gagawin para mapabuti ang sistema, baka hindi lang walong oras ang pila sa bakuna at 2024 na, hindi pa tayo tapos sa bakunahan para sa Alpha , Beta at Delta variant, may iba ng strain ng COVID-19 tayong haharapin.

AUTHOR PROFILE