Dapat ilantad ng Octa Research kung sino ang financier nila!
ILANG buwan bago ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga nais sumabak sa Halalan 2022 ay iba’t ibang survey na ang naglilitawan.
Bukod sa Pulse Asia at Social Weather Station, may iba pang grupo ang lumutang at sinabing nagsagawa rin ng sarili nilang survey.
Isa na rito ang OCTA Research Group na noong una ay nakatutok lang sa usapin sa COVID 19 pandemic.
Isa tayo sa nagulat nang lumabas ang OCTA’s Tugon ng Masa 2022 national elections survey na ang laman ay kung sino ang nangungunang presidentiable at presidentiables sa kasalukuyan.
Dahil dito ay may panawagan agad sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para busisiin ang kredibilidad ng OCTA Research Group.
Para sa kaalaman ng lahat, dalawang ulit nang naglabas ng survey results ang ang OCTA – una noong buwan ng Pebrero at ikalawa ay nito lamang nakalipas na buwan ng Hulyo.
Wala tayong personal na motibo para siraan ang grupo nina Professors Guido David at Ranjit Rye ng OCTA dahil kahit noong minamaliit pa lamang sila ni Presidential Spokesman Harry Roque lalo na ang ‘natalo ang UP’ isyu kung saan hindi tumugma ang unang forecast sa bilang ng COVID-19 cases sa bansa, isa tayo sa nagtanggol at bumatikos sa pahayag ng Malakanyang.
Pero tulad ng karamihan, bigla tayong nag-alala dahil baka biglang mawala ang kredibilidad ng OCTA pagdating sa mga hawak nilang datus at pag-aaral kaugnay sa COVID-19 cases sa bansa.
Hindi natin inaasahan na ang kagalingan at kahusayan nila sa pangangalap ng numero ng biktima ngayong pandemya ay biglang mahahaluan ito ng isang survey naman tungkol sa pulitika at halalan pa.
Inamin na rin ni OCTA fellow at molecular biologist Fr. Nicanor Austriaco na dahil sa batikos na kanilang natatanggap ngayon ay hinihiling na rin niya sa grupo na tigilan ang paglalabas ng political analysis.
“We’re still discussing and deliberating on it. It may be a time now for a pause for us to really focus on COVID to make sure that we don’t have any conflicts of interest that people may perceive because our work is inherently political,” saad ni Austriaco.
Sa detalye ni Austriaco, sinabi nitong ang grupo ay unang binuo ng walong scholars mula sa University of the Philippines upang magsagawa ng sentiment analysis at data analytics sa Philippine politics.
Subalit dahil sa pagkalat ng virus, nagdesisyon silang ituon ang atensyon sa pandemic response.
Pinanindigan din ni Austriaco na isang independent research organization ang OCTA na bagama’t affiliated sa UP na isang government-funded institution, hiwalay aniya ang kanilang trabaho sa official functions bilang miyembro ng academe.
Nakukulangan tayo sa sinabing ito ni Austriaco. Una kasi dapat ay detalyado nilang ihayag sa publiko kung bakit sila nabuo at paano talaga sila nabuo.
Ano ba ang kanilang adhikain at saan talaga patungo ang kanilang grupo.
Dapat din nilang sabihin kung sinu-sino ang kanilang mga padrino sa gobyerno kung mayroon man dahil kahit saang anggulo tingnan, hindi maiwasan na mag-isip ng ilan nating kababayan na may mga maiimpluwensiyang tao ang humahawak sa kanila.
Bukod sa integridad, importante ang isyu ng ‘transparency.’
Importanteng ihayag ng OCTA research kung sino ang kanilang ‘financier,’ ‘funder’ o kung saan nila kinukuha ang pondo sa paglulunsad ng isang survey.
Sayang naman kung masira pa ang imahe ng OCTA na itinuturing na bayaning grupo ngayong panahon ng pandemya na masisira lamang dahil sa usapin ng halalan at pulitika.
Noon pa ay may nagdududa na kung kung ano ba talaga ang kakayahan nila sa pagkontra sa COVID-19, lalo’t wala kahit isang medical doctor o epidemiologist ang miyembro ng kanilang grupo.
Pero dahil sensitibo at sayantipiko ang inihaharap nilang numero sa gobyerno, malaking bagay na rito ito na ginagamit ding batayan hindi lamang ng Inter-Agency Task Force (IATF) kundi ng media mismo.
Muli, sana naman ay hindi masira nang husto ang kredibilidad at integridad ng OCTA lalo na kung may pulitiko o maimpluwensiyang tao ang nagdidikta sa kanila.