Allan

Pulis na may tattoo!

April 26, 2024 Allan L. Encarnacion 104 views

MASYADONG maselan ang panibagong deep fake na ginawa ng mga walang magawa sa buhay.

Ang paggamit sa boses ni PBBM para sa pekeng direktibang atakehin ang China ay isang seryosong bagay na hindi lang press release denial ng Palasyo ang kailangan.

Itinaya ng ganitong klaseng AI fabrication ang kapayapaan ng buong bansa at kaligtasan ng ating mga kababayan. Dito sa atin ay madaling malamang fake news at bogus ang ganitong pahayag ng Pangulo. Paano kung sa Tsina ay seryoso nila itong tingnan bilang legitimate order?

Kaya bang sumalag ng mga missile at ng mga high-powered artileries ng mga taong gumawa ng ganitong kabulastugan? Kung halimbawa’y magkaroon din ng instigator sa Chinese government at maglabas ng voice analysis na totoo ang bogus directive ni PBBM para lang makapagsimula ng gulo, paano na?

Sa tingin natin, kamay na bakal ang kailangang pairalin ng Pangulo, ng NBI, ng PNP, ng AFP at DICT para hanapin ang nagpasimula ng ganitong deep fake audio ng Commander in Chief at ikulong sila nang walang piyansa. Inilagay nito sa peligro ang kaligtasan ng buong bansa.

Kaya nating palagpasin ang mga pekeng sex video or anumang press releases ng mga ahensiya ng pamahalaan na nagdedeklara ng walang pasok. Pero ang paglalabas pekeng “deklarasyon ng giyera” ay hindi kailanman dapat itrato bilang isang simpleng fake news.

Tugisin sila at ihagis sa West Philippine Sea na nakagapos para malaman nila kung gaano kaseryoso ang kanilang krimen!

***

Suportado natin ang direktiba ng PNP na bawal sa mga pulis ang maglagay ng mga visible tattoes, lalo na kapag sila’y naka-uniporme.

Noong mga dekada 70s, at 80s, lahat ng mga makikita ng mga parak na may tattoo na pakalat-kalat sa kalye ay kinakapkapan. Kung halimbawa ang isang pampaseherong jeep ay napadaan ng checkpoint, pinababa lahat ng may tattoo. Tinitingan kung sila’y mga miyembro ng kung anu-anong gang.

Bahala na Gang, Oxo at Sigue-sigue Sputnik ang palasak na naririnig namin noon na tatak ng mga burdadong mga tambay.

Madali mong malahalata ang ibang tao noon na maingat at umiiwas kapag may nakasalubong na puro tattoo sa katawan. Nag-iba na ang panahon ngayon, iyong mga dating umiiwas sa burdado, may mga tattoo na rin sila ngayon. Noon, kapag may mga tattoo ka sa katawan, kriminal ang dating mo. Ngayon hindi na ganoon.

Naging art for art’s sake na ang mga tattoo pagkalipas ng tatlong dekada. May ibang barkadahan pa nga na out of place sa kanila kapag walang tatoo ang isa nilang kasama. Sa mga panahon namin, kapag may tattoo, last priority sa job application. Madalas nga, hindi sila natatanggap sa trabaho dahil sa tattoo.

Wala naman talagang masama sa tattoo, depende na marahil yan sa tumitingin. Pero para magpa-tatoo ang mga pulis, medyo off sa maraming tao yan, lalo na kung sa parteng mukha, braso at leeg na kitang-kita kahit naka-uniporme sila.

Kahit sabihin pa nating naging art na ang tattoo ngayon, hindi pa rin nawawala ang pagtingin natin na dapat ang mga katawan ng alagad ng batas ay dapat kasing-linis ng kanilang integridad.

Suportado natin ang PNP leadership sa kampanyang ito laban sa tattoed policemen.

[email protected]