Tayo ang dapat gumawa ng mga aromas natin

June 25, 2021 Paul M. Gutierrez 291 views

PaulNAKALULUNGKOT na balita ang nangyari sa ating mga sundalong nasawi sa Capas, Tarlac nitong Miyerkules matapos bumagsak ang kanilang S-70i Black Hawk combat utility helicopter habang nag-eensayo sa paggamit nito.

Kaya pakikiramay po sa mga kaanak at kaibigan ng mga naulila sa trahedyang ito.

Ayon kay Lt. Col. Maynard Mariano, ang tagapagsalita ng Philippine Air Force(PAF), sadyang delikado ang ginagawang pag-eensayo subalit kailangan itong gawin bilang pagsasanay.

Walang nakaligtas sa anim nitong sakay na hindi pa kinilala hanggang sa pagkakasulat ng kolum na ito. Ang bumagsak na helicopter ay isa sa mga naunang batch na binili ng Pilipinas mula sa Poland. Ang huling batch nito ay inaasahang dadating sa Nobyembre.

Sadyang isang malaking hakbang at dapat naman talagang maging modernisado ang ating Sandatahang Lakas kabilang na dito ang PAF, hindi lamang dahil sa paghahanda sa anumang gera o labanan, kundi alam naman nating malaki ang nagiging papel ng mga ito pagdating sa mga sakuna lalo na sa mga search and rescue operations.

Kaya naman nauunawaan natin na kahit delikado ang ginagawang pagsasanay ay kinakailangan talaga ang mga ito para sa matitinding sitwasyon ay alam ng ating mga sundalo ang dapat gawin.

Subalit kasabay nito, hindi natin maiiwasang mapaisip na bagamat positibong nakakakuha o nakabili tayo ng mga kagamitang pandigma sa ibang bansa, bakit hindi kaya ang Pilipinas ang gumawa ng kaniyang sariling mga sandata at kagamitan pandigma kagaya ng mga helicopter o sariling baril man lamang?

Sa ganitong paraan mas magiging matibay ang pundasyon ng modernisasyon ng ating Sandatahang Lakas. Dahil sa totoo lamang, napipilitan tayong bumili minsan ng mga pinaglumaan ng mga ibang bansa at mga “basura” ng Amerika.

Sa totoo lamang po walang may gusto na makarinig ng ganitong balita na namamatay ang ating mga sundalo dahil sa mga kagamitang pandigma na luma na dahil pinaglumaan na ng ibang bansa.

Bagamat sinasabing bago ang mga nabiling helicopter mula Poland pero paano ang ibang gamitin ng mga sundalo natin? Sa ngayon kulang na kulang pa rin ang kanilang mga kagamitan.

Sa Navy halimbawa, ilan ba ang ginagamit ng Philippine Navy natin o ng Coast Guard upang sa mga sakuna sa dagat man lang ay may magamit tayo?

Suportado po natin ang mga hakbang sa pagiging modernisado ng ating AFP at dapat lamang na bigyan ito ng sapat na badyet para maisakatuparan ito. Subalit kasabay nito magandang mapag-isipan o masimulan ang usapin kung kailan kaya tayo magkakaroon ng sarili nating mga kagamitang pandigma na tayo na mismo ang gumawa?

Hindi man ito magiging madali sa umpisa pero kapag nasimulan na siyempre lagi itong mag-i-improve kung gugustuhin natin.

AUTHOR PROFILE