2022 Presidential candidates

June 25, 2021 Allan L. Encarnacion 963 views

Allan EncarnacionHABANG papalapit ang filing ng Certificates of Candidacy, lumilinaw ang mga posibleng kumandidato sa pagkapangulo.

Sa ngayon, ang mga lumulutang na kandidato ay sina Davao CIty Mayor Sara Duterte, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacman Pacquioa, Senador Ping Lacson at former House Speaker Alan Peter Cayetano. Hindi malinaw kung si dating senador Bongbong Marcos ay presidente rin ang takbo.

Wala pa ring kumpirmasyon kung tuloy ang presidential bid ni VP Leni samantalang sina Senador Dick Gordon at dating senador Trillanes ay nagbabalak din.

Sa pagka-bise-presidente, ang mga naririnig nating kakandidato ay sina Senate President Tito Sotto, Senador Grace Poe, Senador Sherwin Gatchalian at Senador Bong Go. Si Senador Sonny Angara ang pinakatahimik kahit naririnig nating kasama siya sa ikinukunsiderang maging bise-presidente ng isang top contender.

Si DPWH Secretary Mark Villar ay narinig din nating ikinukunsidera bilang tandem ng isang would be presidential candidate.

May mga lumulutang na tandem gaya ng Sara-Bongbong Marcos, Sara-Gibo Teodoro, Sara-Gatchalian, Sara-Go at Sara-Isko, Sara-Angara, Sara-Villar at Sara-Sotto. Si House Majority Floorleader Martin Romualdez ay kasama rin sa vice-presidential timber gaya nga ng sinabi ni Pangulong Duterte.

Sa kabilang banda naman, may naririnig din tayong Pacman-Sotto, Pacman-Isko, Pacman-Poe at Pacman-Lacson.

Sa kampo naman ni Isko, may mga nagpapalutang din ng Isko-Pacman, Isko-Sara, Isko-Sotto, Isko-Lacson at Isko-Poe.

Mayroon ding Lacson-Sotto or Sotto-Lacson.

Sa kampo naman ni dating Speaker, may mga lumalabas din na Cayetano-Congresswoman Lucy Torres or Cayetano-Mayor Richard Gomez, Cayetano-Pacman at Cayetano-Isko.

Five years ago, malinaw na si Sara lang ang kandidato at posibleng si Leni ang kalaban. Habang papalapit ang 2022 election, biglang dumami ang mga lumutang na pangalan. Iyong pagkapanalo ni Isko bilang alkalde ng Maynila ang nagbigay ng bagong political dynamics sa bansa.

Si Isko, narinig na nating buo na rin ang team, kasama na ang senatorial lineup. Wala pang nationwide tour si Isko pero may nakapagbulong sa atin na malawak na rin ang kilos ng kanyang grassgroot organizations. Hindi natin alam kung kumpirmado ang nakarating sa ating impormasyon na may big announcement sa mga susunod na buwan para sa Isko-Poe tandem.

Si Pacman, matagal naman nang nagpahayag ng intensiyong kumandidato sa pagkapangulo. Ang bago sa kanila ay si dating Speaker Cayetano. Umiikot sa buong bansa si Cayetano para sa 10K ayuda kaya natanong siya sa kanyang political plan sa 2022. Bagama’t ikinukunsidera umano niya ang pagtakbong Pangulo, wala pang linaw kung final na ito.

Sinabi sa atin ng ilang malalapit kay Pacman na “the die is cast” attitude na ang senador. Meaning, wala nang atrasan ang pagtakbo nito bilang Pangulo kahit ano pa ang mangyari.

Iyong pagtakbo ni Ping ay hindi pa rin malinaw kung tuloy pero may narinig tayo na mag-slide down ito sa pagka-bise Presidente ni Pacman or magretiro na para ang BFF niyang si Sotto na lang ang maka-tandem ni Pacquiao.

Si Sara, kahit paulit-ulit na sinasabing hindi kakandidato, alam natin na tuloy siya kasi may mga kaibigan tayong nagbulong sa atin na buo na rin ang senatorial lineup niya.

Ngayon lang naging exciting ang Presidential election kasi nakakalito rin ang political rumble na mangyayari sa mga susunod na buwan.

Abangan natin kung anong “riding in tandem” ang magiging patok para sa 2022.

allanpunglo@gmail.com