TVJ

Sino ang tunay na bida sa labanang TVJ vs TAPE?

June 21, 2023 Eugene E. Asis 337 views

NAKATATAWA (hindi nakatutuwa) ang nangyayari ngayon sa telebisyon.

Dahil nga sa pag-aklas ng Tito, Vic and Joey sa ‘Eat Bulaga’ ng TAPE, Inc. (na talaga naman palang balak tanggalin, naunahan lang), at paglipat ng grupo sa TV5, may mga lumalabas na kontrabida at bida sa pangyayari.

Balitang patuloy na bumababa ang ratings ng ‘Eat Bulaga’ na pinangungunahan na ngayon nina dating Manila Mayor Isko Moreno, Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Mavy and Cassie Legaspi at iba pa na hiindi pa kilala ng mga manonood. Humihingi ng pang-unawa ang mga naturang host, na sinasabing trabaho lang ito at walang personalan, at sana’y bigyan sila ng pagkakataon.

Lumalabas ding kontrabida ang Jalosjos children dahil sa kanilang sudden takeover (na wala namang kwestyon dahil sila naman talaga ang may-ari ng TAPE, Inc). Tumatanda na ang original na may-ari, si Romy Jalosjos at may karapatan siyang ipasa sa mga anak o sa kung sinuman ang gusto niya para magpatakbo ng kumpanya.

Nangyayari naman ito kahit saan, at isang magandang halimbawa ang Viva Group of Companies na ipinapasa na ni Boss Vic del Rosario ang mga tungkulin sa kanyang mga anak na sina Vincent, Veronique at Valerie (sa entertainment company) ang lahat, bagama’t si Boss Vic pa rin ang nasa ibabaw ng lahat. At maayos ang kanilang set-up.

Pero iba ang kaso ng mga Jalosjos. Kaagad na nabigyan ng ibang kulay ang kanilang pag-takeover sa TAPE, kaya’t tila nga lumalabas na kontrabida sila sa paningin ng iba.

Bida pa rin sa tingin ng nakararami ang TVJ, na nagtayo na ng sariling kompanya para maging content provider. Una na nga ang gagawin nilang bagong noontime show na hindi pa rin tuwirang sinasabi kung ‘Eat Bulaga’ pa rin ang titulo o iba na. Gayunman, tama na ang nag-imbento nito ay si Joey de Leon at humabol na nga para sa late registration ng naturang title. Pero kahit na nga public knowledge ito (na si Joey ang nagbigay ng pangalang ‘Eat Bulaga’), batas pa rin ang mananaig sa huli. O baka hindi alam ng marami na ang maraming awitin ng Beatles ay pag-aari na ng naiwang kompanya ni Michael Jackson?

Pero sa mga pangyayaring ito ay may iba pang naaapektuhan. Halimbawa, wala na ang ‘It’s Showtime’ na dating katapat ng ‘Eat Bulaga’ sa TV5 dahil nga papalitan na ito ng bagong TVJ show. Lilipat naman ito (Showtime’) sa GTV na pag-aari ng GMA Network at napapanood pa rin ito sa A2Z.

Tandaan natin na wala pang nagiging number one na noontime show ang TV5 at lahat ay nawala na. Kung tutuusin, magaganda rin naman ang mga noontime show na ginagawa nila, pero dahil sa isang teknikal na bagay, nahihirapan ang TV5 na paangatin ang kanilang shows. And we are not talking just about its noontime shows. In fact, may mga show sila na minsan ay naho-hook kami, pero sadly, hindi rin ito masyadong pinapasok ng advertisers.

Kaya naman, nananalangin kami na mapaangat ng TVJ ang oras na ookupahin nila sa TV5.

At hindi naman kami umaayon sa sinasabi ng ibang netizens (lalo na ang mga supladong Pilipino na naninirahan sa Amerika at iba pang bansa) na laos na ang TVJ. Hangga’t may ginagawa sila, hindi sila puwedeng sabihing laos. Maybe old, but not has- beens.

But here’s the twist sa kuwentong bida at kontrabida ng continuing saga. Lilipat ang ‘Showtime’ sa GTV na pag-aari ng GMA Network. Alalahanin natin na lumalaban na rin sa ratings game ang GTV at may shows sila na higit na malakas sa TV5. At kapag natapos ang kontrata ng TAPE, Inc. sa GMA, siguradong may nag-aabang na sa noontime slot na iiwan nila. Hindi kaya in the future, ‘It’s Showtime’ na ang mapanood sa timeslot na ito ng GMA?

So, in the end, sino ang lalabas na tunay na bida?

AUTHOR PROFILE