Internet

GCash, PNP binalaan ang publiko kontra cyber threats dulot ng public wifi

May 27, 2024 People's Tonight 163 views

BINALAAN ng nangungunang finance app na GCash at ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa paggamit ng free wifi sa mga pampublikong lugar na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng cyber threats.

Nagpahayag ang GCash ng pagkabahala na maaaring maging target ng cyber threats ang mga account at user dahil sa pagkonekta sa mga pampubliko at hindi ligtas na wifi.

Ayon sa PNP-ACG, ang mga free wifi hotspot na ito ay makikita sa mga hotel room, coffee shop, airport, at iba pang pampublikong lugar. Ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang cyber threats katulad ng hacking, remote access, at account takeovers.

“Public and open Wi-Fi networks are risky because they often lack strong encryption, allowing cybercriminals to intercept data or distribute malware, and they may feature fake hotspots set up to steal information,” sabi ni GCash Chief Information Security Officer Miguel Geronilla.

Sinabi naman ni PNP-ACG Director PBGen Ronnie Francis Cariaga na bagaman nabibigyan ng mas malayang access at libreng koneksyon ang publiko, mahalaga pa ring kilalanin na ang mga unsecured connection ay maaaring magdulot ng cyber threats at iba pang kumplikasyon.

Isa sa mga ibinigay na halimbawa ni Cariaga ay ang Man-In-The-Middle (MTM) attacks na maaaring umatake kapag naka-connect ang isang device sa public wifi network.

“An attacker can intercept the communication flow between your devices and web browsers, potentially stealing sensitive information and even hijacking your device,” paliwanag niya.

Dahil rito, pinapayuhan ng GCash at PNP-ACG ang publiko na mas maging maingat at umiwas sa paggamit ng public wifi at gumamit na lamang ng ligtas na mobile networks, lalo na kapag nasa biyahe o nasa pampublikong lugar.

Maaaring bisitahin ng users ang GCash Help Center, tumawag sa hotline nitong 2882, o magpadala ng mensahe kay Gigi, ang help center ng kompanya, sa pamamagitan ng pag-type ng “I want to report a scam.”

Inaanyayahan din ang mga user na i-report sa PNP-ACG ang iba’t ibang uri ng cybercrime sa kanilang hotline na (02) 8414-1560 o 0998-598-8116 at sa kanilang email na [email protected].

Ayon sa datos ng PNP, mahigit 15,000 na mga insidente ng online scam, partikular na ng ‘swindling’, ang naitala sa bansa ngayong taon.

AUTHOR PROFILE