TVJ

MVP sa ‘It’s Showtime’: Hindi kami nagkulang TVJ at OG Dabarkads, pinaiyak ng TV5 boss

June 20, 2023 Ian F. Fariñas 367 views

MAGKASOSYO at hindi blocktimer.

Isa ‘yan sa mga siniguro ni Manny V. Pangilinan, big boss ng MQuest Ventures at TV5, nang magkakasama silang humarap sa media day ng TVJ at legit Dabarkads para sa bagong show ng OG Eat Bulaga hosts sa Kapatid channel.

Sa kasunduan, kinuha ng MQuest Ventures ang 51% equity ng TVJ Productions, Inc., ang production company na itinatag ng iconic triumvirate nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.

Ang partnership na ito ang magpo-produce ng iba’t ibang content para sa iba’t ibang channel at platform na pag-aari ng Mediaquest.

Paunang proyekto nito ang bagong noontime show nina Tito, Vic at Joey na nakatakdang mag-pilot sa July 1.

Surpresa pa rin kung ano ang magiging titulo ng programa, pero kung si Bossing Vic ang tatanungin, solid Eat Bulaga pa rin ang ipinaglalaban niya.

Ayon sa kanya, 44 years nila itong pinaghirapan tapos kukunin lang ng iba?

Sa dalawang studios ng TV5 sa Reliance, Mandaluyong naman gagawin ang pilot episode at sabi ni Bossing Vic, “we start humble.”

Anyway, itinuwid ni MVP ang impresyon na na-bump-off ng TVJ ang It’s Showtime. Wala raw na-bump-off dahil blocktimer ito sa TV5 at nagkataong mag-e-expire na ang kontrata sa June 30.

Inalok sila ng ibang timeslot pero hindi tinanggap.

“Hindi kami nagkulang sa ABS-CBN,” giit pa ni MVP.

As for TVJ and the OG Dabarkads, naiyak sila sa sinabi ni MVP na hindi siya makatatangging bigyan ng tahanan ang isang iconic show tulad ng sa kanila.

Pagmamalaki ni Vic, “’Yan ang boss!” na sinegundahan ng mga taga-TVJ Productions, Inc.

Sa pagbangon ng programa, dala-dala nila ang sikat na portions tulad ng Pinoy Henyo na mas lalo pang pagagandahin.

Samantala, simula July 1 ay sa GTV Channel na nga GMA Network mapapanood ang It’s Showtime.

Ayon sa official statement na ipinadala sa media: “Sa loob ng labing-apat na taon, walang patid na saya ang hatid ng It’s Showtime sa Madlang People sa loob at labas ng bansa. Pinahahalagahan namin ang magandang samahan na nabuo namin sa mga manonood tuwing tanghali. Dahil dito, minabuti naming tanggihan ang 4:30 p.m. time slot na inalok ng TV5 para sa programa.”

Nagpasalamat sila kay TV5 Chairman Manny V. Pangilinan at tiniyak na patuloy silang mapapanood sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC at TFC mula Lunes hanggang Sabado, 12 ng tanghali.

AUTHOR PROFILE