SALAMAT sa Dugo Philippine Coast Guards!
Ang pamilya Gunigundo ay taos pusong nagpapasalamat sa pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang dagliang pagtugon sa panawagan ng aking mga kapatid sa mga mayroon ginintuang kalooban na maghandog ng kanilang dugo na kailangan ng aming 87 años na nanay na nasa kritikal na kondisyon sa ospital. Agad sumugod sa blood bank ng Fatima University Medical Center ang dalawang dosena ng magigiting na lalake at babae lulan ng isang 6 x 6 trak para maghandog ng dugo upang masagip ang buhay ng aming nanay.
Pinapasalamatan natin ang mga sumusunod na opisyales ng Coast Guard na nagbigay ng 450ml na dugo bawat isa: Jason Plopinio, Abdelren Hadj Madja, Thomas Henri C Arellano, Tristan Aries L Perito, Christine Fe Pasolot, John Ray Adrian D Abraua,Firmo T Paguia, Ameera K Amin, Ian A Loquero, Jeneleth J Gloriani Jessamine G Buedo, Kirleen Buaron, Aiko M Balestramon, Fel Mark James C Catapang, Dennis C Durens Jr, Arlen Claire J Butaslac, Ericka Joyce B Guiterrez, Elma Eboña, Leslie Ann Figueroa, Katherine Enriquez, Paola Macalanda, Gerald Buenvenida.
Ang pagbibigay at pagsasalin ng dugo ng tao ay isang makataong gawain at propesyonal na serbisyong medikal na hinihikayat ng estado upang makasagip ng buhay na nasa bingit ng kamatayan dahil sa aksidente, kalamidad, karahasan o karamdaman. Ang dugo ay hindi maaaring ibenta ninuman batay sa RA 7719 o National Blood Services Act of 1994. Ang kainaman sa pagbibigay ng dugo ay nakatulong ka na sa iyong kapwa, natulungan mo rin ang iyong katawan na gumawa ng mga bagong “cells” na nagpapabata at nagpapalakas ng iyong “immune system”. Alam ito ni dating Pangulo Fidel V Ramos kaya taon taon siyang naghahandog ng kanyang dugo. Humaba tuloy ang kanyang buhay at kung hindi nagka Covid marahil ay buhay pa siya.
Upang masiguro na malinis ang dugo ng tao na isasalin sa pasyente, may protocol na sinusunod para masala ang hinahandog na dugo. Una, kailangan munang sagutin ang mga tanong sa papel na hinihingi ang personal na detalye ng iyong katauhan, sino ang pasyenteng pagbibigyan ng dugo, kasaysayan ng karamdaman at pagtatalik. Edad 18 hanggang 60 años lamang ang puedeng magbigay ng dugo; kung may tattoo o naoperahan, dapat mahigit isang taon na ito nangyari; kung may high blood, ayos lang basta mayroon maintenance na gamot ang donor at ayos ang kanyang bp bago kunan ng mahalagang dugo. Ikalawa, kukunan ang donor ng kapiranggot na blood sample sa may kamao ng isang med tech upang masuri kung mayroon sapat na hemoglobin( isang uri ng molecular protein na naghahatid ng oxygen mula sa baga papunta sa mga “vital organs” ng katawan) sa dugo si donor. Kapag mababa ito, ibig sabihin ay anemic si donor, hindi itutuloy ang pagkuha ng 450 ml na dugo sapagkat masama ang epekto nito sa katawan ng magbibigay ng dugo at sa taong pagsasalinan ng dugo.
Ang PCG ang pinakamatanda at tanging “humanitarian armed service” sa Pilipinas. Nagsimula ito noong unang bahagi ng ika-20 siglo bilang tagapagbantay sa baybayin upang ipatupad ang batas ng aduana . Sila ang nanghuhuli ng mga smuggler na nagpupuslit ng kontrabando sa dalampasigan. Sa pagtakbo ng panahon, ang Coast Guard ay naging bahagi ng Philippine Navy at Department of National Defense. Sa ngayon, ang modernong Philippine Coast Guard ( PCG)ay itinatag noon 2009 sa pamamagitan ng RA 9993 bilang isang armado at unipormadong serbisyo ng Department of Transportation at ang motto nila ay “sumagip ng mga buhay.”
Ang PCG ay may mandato at responsable na magsagawa ng “maritime search and rescue, maritime law enforcement, maritime safety, marine environmental protection and maritime security.” Ang PCG ay sanay sa pagsagip sa mga taong nasa kagipitan sa dagat. Ang PCG ang may pangunahing papel sa mga operasyon at pagpapanatili ng National Coast Watch Center na magsisilbing focal point sa kamalayan ng maritime situational at maritime domain.
Para sa isang archipelago tulad ng Pilipinas, napakahalaga na mapalakas ang PCG sapagkat kay lawak ng kanilang dapat bantayan. Ang mga look at baybayin dagat ng Pilipinas ay may sukat na 266,000 km², habang ang karagatan ay sumasakop sa 1,934,000 km². Ang kabuuang haba ng ating baybayin ay 36,289 km. at hindi ito isang diretsong linya sapagkat marami tayong mga isla , golpo at look tulad ng Look ng Maynila, isang panganlungan at pinaka-abalang commercial hub sa bansa( https://www.wepa-db.net/policies/state/philippines/seaareas.htm, binuksan ko Agosto 26,2022). Humigit-kumulang 60 porsiyento ng mga munisipalidad at lungsod ng Pilipinas ay baybayin, na may 10 sa pinakamalaking lungsod na matatagpuan sa baybayin at pinaninirahan ng humigit-kumulang 60 porsiyento ng kabuuang populasyon. Hindi biro magpatrolya sa ganyang kalawak at kahabang baybayin. Malaking pera ang kailangan ibigay sa PCG upang madagdagan ang kanilang kapasidad sa pamamagitan ng dagdag na kagamitan, tauhan at kasanayan. Sa ipinakitang kagandahang loob sa aking pamilya ng PCG , naniniwala ako na sulit ang bawat piso na pondo ng PCG dahil ang mga opisyales nito ay may ginintuang kalooban.